Reklamo sa isa pang opisyal ng BIR

June 8, 2021 Paul M. Gutierrez 3426 views

PaulNAKATANGGAP pala ng 2-pahinang reklamo noong Mayo 26, 2021, ang tanggapan ni Ombudsman Samuel R. Martires, hinggil sa isa pang mataas na opisyal ng Bureau of Internal Revenue (BIR).

At kung tama ang ating pagkaunawa sa reklamo, ang naturang opisyal ay inirereklamo ng mga ‘silent and concerned employees’ ng ‘BIR Large Taxpayers Service’ sa pangunguna ng complainant na si ‘Samuel’ na residente ng Makati City. “Notaryado” ang reklamo, patunay na may bahid ng katotohanan ang mga bintang laban sa nasabing opisyal.

Sa atin namang “pagbubungkal” ng ating mga naisulat na, dear readers, ito ang ikalawang opisyal ng BIR na kinaladkad sa Ombudsman ng mga “nagmamalasakit” nating kababayan matapos ding ireklamo sa Ombudsman noong Marso 3, 2021, ang isa pang may katungkulan sa BIR.

At dahil mas mataas ang posisyon, BIR commissioner Caesar Dulay, “mas matindi” ang mga reklamo na ipinarating kay OMB Martires laban dito sa pangalawang opisyal.

Hindi na natin isasama dito ang umao’y “personal na relasyon” ng opisyal sa isang empleyada ng BIR, hane? “Personal” nga kasi.

Bagkus, gusto ring “ipasilip” ng mga ‘silent and concerned employees’ ng BIR-LTS ang umano’y pagkakaroon ng opisyal ng mga ‘condominiums’ sa iba’t-ibang lugar sa Metro Manila at ang mas “malufet,” ang pagiging ‘franchise holders’ na mga sikat at kilalang mga restaurant, pizza house at fast food chain—mga establisyamento na kasama sa hurisdiksyon at sinisingilan ng buwis ng BIR. Aber, hindi ba ‘conflict of interest’ ang tawag sa ganito?

At para nga umano maiwasang mabisto, “nakapangalan” ang mga ito sa mga ‘usual accomplices’ sa ganitong mga “kamada”—sa kanyang mga kamag-anak, ayos!

Hindi na rin natin ilalabas ang mga pangalan ng mga establisyamento kung saan “franchisee” na umano si BIR exec bilang respeto sa kanilang pangalan at dahil nga “hawak” na rin naman ng OMB ang kanilang mga pangalan.

Tip: Ang isa sa mga ito ay “nakuha” umano noong si exec pa ang bosing ng BIR sa Caloocan.

Ilan na rin umanong “tipak” ng lupa ang nabili ni BIR exec sa kanyang minamahal na lalawigan ng Bulacan, halimbawa sa mga bayan ng Pulilan at Sta. Maria at marahil, anila pa, darating ang panahon na tatawagin siyang ‘Don’ sa dami ng mga lupa sa Bulacan na umano’y pag-aari na niya ngayon, yeheyy!

Ayon pa sa reklamo, naniniwala silang “sapat” na ang mga ibinigay nilang “tip” sa OMB upang kumpirmahin ang kanilang mga bintang laban sa kanilang “boss”—sakaling mag-imbestiga nga si OMB Martires.

Sa reklamo pa rin, pinadalhan ng kopya si DOF secretary Carlos Dominguez at si PACC chair, Greco Belgica na siyempre pa parehong dapat ding mag-imbestiga sa isyu.

At palagi namang bukas ang ating pitak sa ano mang paglilinaw na gustong gawin ni BIR exec, kaya… Abangan!

***

Napag-usapan na rin lang ang reklamo, inireklamo naman sa atin, BOC spokesman, Atty. Jett Maronilla at Enforcement Group deputy commissioner Atty. Teddy Raval, ang ilang mga kasapi ng Customs Police, partikular na d’yan sa MICP at POM.

Ang siste, may sarili palang kaptriso ang mga “nakaposte” d’yan na pinagbabawalang pumasok ang kahit mga kagawad ng media sa simpleng paliwanag na “bawal” at “utos galing sa itaas.”

Paglilinaw naman ni ESS director Yogi Ruiz sa atin, “kahit minsan” wala siyang utos na ganyan, bagay na pinaniniwalaan naman natin dahil kilala nating matino si Dir Yogi.

Aber, alam din natin na kahit si Comm. Jagger Guerrero, walang ganyang utos.

‘Yun nga lang, paulit-ulit na lang ang hinagpis nitong ating bataan na si ‘Reynold’ na palaging pahirapan sa pagpasok, minsan sa POM, minsan sa MICP, samantalang magde-deliver lang naman ng dyaryo at kahit mayroon namang ‘valid ID.’

Hmm. Ayaw naman nating paniwalaan na kahit mga kagawad ng media kailangan pang “mag-gaybi” sa mga Customs Police para lang magawa ang aming trabaho?

Naisip natin ito dahil tuloy pa rin naman ang malayang pagpasok sa MICP at POM ng mga ‘hao-shiao.” Kumbaga, bakit sila “puwede,” kami sa media ay hindi, Anong meron, hindi ba, DCI Raniel Ramiro, hehehe.

At kung nabubuwisit ang ilang mga opisyal ng Aduana dahil may mga nakakapasok (daw) na mga pekeng kagawad ng media na wala namang alam kung hindi “mangulit,” eh, simple lang ang solusyon dyan: Hulihin at sampahan ng reklamo—at gawan ng ‘press release,’ tapos!

Translation? Dapat na ‘consistent’ ang polisiya sa ano mang sitwasyon dahil ang Aduana ay isang ‘public office.’ At sa mga “bantay” sa BOC gate, huwag na kayong “gumawa ng dahilan” dahil kayo lang din ang malalagay sa kapahamakan, hane?

At ang “kasalanan” ng iba ay hindi kasalanan ng lahat, tama ba, kasamang Bambi Purisima?

AUTHOR PROFILE