Register Anywhere Project ng Comelec

December 19, 2022 Marlon Purification 122 views

Marlon PurificationMAGANDA ang plano ng Commission on Elections (Comelec) na maglagay pa ng mas ma­raming site para sa Register Anywhere Project (RAP), partikular sa mga kolehiyo at unibersidad.

Sinabi ni Comelec Spokesperson John Rex Laudiangco na kasaluku­yang nakikipag-ugnayan sila sa Department of Education (DepEd) at Commission on Higher Education (CHED) hinggil sa pagkakaroon ng RAP sa ilang kolehiyo at unibersidad.

Sinabi ni Laudiangco na asahan na magkakaroon ng registration sites sa mga nangungunang unibersidad at kolehiyo sa lalong mada­ling panahon.

Pinaplano nilang magsagawa ng RAP sa ilang institusyong pang-edukasyon umpisa ngayong Enero 2023.

Nagsimula ang pagpapatupad ng RAP noong Disyembre 17, at magtatapos sa Enero 22, 2023— tuwing Sabado at Linggo, maliban sa Disyembre 24, 25, at 31, 2022 pati na rin sa Enero 1, 2023.

Sa kasalukuyan, ginaganap ang RAP sa SM Mall of Asia, SM Fairview, SM Southmall, Robinson’s Place Manila, Robinson’s Galleria, Robinson’s Mall Tacloban, SM City Legazpi, at Robinson’s Mall Naga.

Nakipag-coordinate na rin sila sa Department of Transportation (DOTr) para lalo pang isulong ang RAP.

“Sa MRT at LRT, may posters na rin po diyan. Tumutulong ang Department of Transportation pati na rin po sa ibang mga terminal para maipakalat sa ating mga kababayan ang registration na nagaganap,” aniya pa.

Sa ganang akin, nakapagandang hakbang ito upang hindi lang mapabilis ang pagpaparehistro ng mga bagong botante, kundi malaking tipid din ito para hindi makaabala sa lahat.

Napakagandang pagkakataon na ang mga botanteng kabataan ay makapagparehistro sa Comelec sa pamamagitan ng RAP sa kani-kanilang eskuwelahan. Una, hindi na nila kailangan pang maghanap ng tamang oras sa pagpaparehistro.

Hindi rin tatamarin ang mga bagong botante na magparehistro dahil nasa loob na ito ng kani-kanilang campus.

Pagkakataon din ito para sa mga botanteng nais magpa-transfer ng polling precints dahil alam natin na ilan sa mga estudyante ngayon ay mula pa sa kani-kanilang probinsiya. Kaya kalimitan, ang iba ay tinatamad nang umuwi sa kanilang bayan para lamang makaboto.

Higit sa lahat, hindi ito abala sa mga Comelec employees dahil mababawasan ang bilang ng mga nagpaparehistro sa kani-kanilang tanggapan.

Alam naman natin na sakit na ng ilan nating kababayan ang ‘last minute rush’ na kung kalian deadline ang itinakdang araw ng pagpaparehistro ay doon pa alang sila makikipagsiksikan sa dami ng tao.

Samantalang kung nasa kolehiyo at unibersidad na ito, kahit kalian nilang nais magparehistro ay magagawa ito dahil sa magandang planong ito ng Comelec, DepEd at CHED.