BBM1 Sina incoming President Ferdinand Marcos Jr. at incoming Executive Secretary Victor Rodriguez

Reform Party pinagtanggol pagpili ni BBM kay Rodriguez bilang ES

June 29, 2022 People's Tonight 383 views

IDINEPENSA ng Reform Party (RP), na binubuo karamihan ng mga reformist soldiers, ang pagpili ni incoming President Ferdinand Marcos Jr., kay Victor Rodriguez bilang kanyang Executive Secretary (ES).

Binigyang-diin ng grupo ang importansiya ng pagkakaroon ng tiwala at kumpiyansa sa mga nahalal na pinuno upang panatilihin ang “barko ng estado” na maging balanse o stable.

Ikinalungkot ni RP president James Layug na ilang kritiko ang hindi muna hinintay na makaupo ang mga susunod na political leader bago birahin ng sandamakmak na pambabatikos.

“For some sectors to publicly criticize Executive Secretary-designate Victor Rodriguez at this point is an open declaration of their lack of faith in President Ferdinand R. Marcos Jr.,” giit ni Layug.

Sinabi rin ni Layug na ang pagtatalaga kay Rodriguez sa isang napakasensitibong posisyon sa Executive Department ay masasabing mayroong tiwala at kumpiyansa sa kanya ang incoming Chief Executive.

Dagdag niya, anumang alegasyon na inaabuso ni Rodriguez ang tiwala at kumpiyansa ay sumasalamin sa panghuhusga o judgment, at karunungan ni Marcos Jr.

Gaya aniya ng sinasabi sa “political battlefield” na “always trust in the leader’s good judgment.”

“May kasabihan din tayo; Ang puno na hitik sa bunga ay madalas na binabato ng mga tao. It’s just ironic that Rodriguez has not taken his seat yet at the Palace, but critics are already casting aspersions on him,” saad pa ni Layug.

AUTHOR PROFILE