Agency

Recruitment agency sa Malolos City ikinandado ng DMW

June 14, 2024 Jun I. Legaspi 213 views

IKINANDADO ng Department of Migrant Workers (DMW) ang opisina ng recruitment agency sa Malolos City, Bulacan noong Biyernes dahil umano sa pagre-recruit ng mga Pilipino para sa mga non-existent na trabaho sa Europe kapalit ng malaking halaga.

Kinandado ng DMW-Migrant Workers Protection Bureau (MWPB) at Malolos City police ang tanggapan ng High Dreamer Travel and Tours Services sa 0106 Paseo del Congreso, Catmon, Malolos, Bulacan.

“Once again, the Filipino Community in Poland proved to be a valuable ally in stopping these illegal activities.

We thank them for their vigilance in reporting the illegal activities of High Dreamer to our Migrant Workers Office in Prague (MWO-Prague),” pahayag ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac.

Nagsagawa ng imbestigasyon ang MWO-Prague laban sa High Dreamer makaraang makatanggap ng impormasyon na nag-aalok ito ng trabaho sa mga Pinoy sa pamamagitan ng Facebook.

Natuklasan na walang license ang High Dreamer para mag-alok ng trabaho sa ibayong dagat at hindi rin nakarehistro bilang recruitment agency sa DMW.

Lumabas din sa imbestigasyon na nag-aalok ng trabaho ang ahensya tulad ng production workers, agricultural workers, cleaners, restaurant workers, construction workers at cleaners sa iba’t-ibang European countries, partikular na sa Croatia, na may alok na P70,000-P80,000 buwanang sweldo.

Nabatid na nangongolekta ang High Dreamer ng processing fee na P100,000 at placement fee na P300,000 sa bawat aplikante na non-refundable at babayaran ng installment.

Mahaharap sa kasong illegal recruitment ang mga opisyal at tauhan ng High Dreamer at isasama sa List of Persons and Establishments with Derogatory Record ng DMW at saka iba-ban na sumali sa anumang overseas recruitment program ng gobyerno.

Pang-10 ng travel agency simula noong Enero ang High Dreamer na ipinasara ng DMW sa crackdown laban sa mga illegal recruiters.

Nanawagan ang DMW sa mga aplikanteng nabiktima ng High Dreamer na makipag-ugnayan sa MWPB para sa paghahain ng mga kaso.

Maaaring makaugnayan sa kanilang Facebook page na https://www.facebook.com/dmwairtip at sa kanilang email add na [email protected] ang DMW.

AUTHOR PROFILE