Default Thumbnail

‘Recruiter’ ng seaman tiklo sa Lumban

January 25, 2023 Gil Aman 307 views

KAMPO HENERAL PACIANO RIZAL – Bumagsak sa kamay ng pulisya ang isang lalaking nagpakilalang “recruiter” para sa pagpapaalis sa mga seafarer kapalit ng halagang P150,000 sa isinagawang entrapment operation ng Lumban Laguna Police araw ng Martes, Enero 24, 2023.

Ayon kay Police Col. Randy Glenn G Silvio, acting Provincial Director, Laguna Police Provincial Office (PPO) ang suspek ay may alyas na “Idan,” residente ng Lumban, Laguna.

Sa ulat ni P/Maj. Ruffy Taduyo, hepe ng Lumban Police Station, kabilang sa mga nagharap ng nagreklamo sa kanilang himpilan ang tatlong biktima hinggil sa diumano’y pagrecruit sa kanila bilang “seafarer” kapalit ang halagang P150,000 bawat isa sa kanila.

Nagsagawa ng koordinasyon ang Lumban Police sa Department of Migrant Workers (DMW) upang alamin kung “lisensiyado” o legal na recruiter ang suspek.

Matapos na malaman na ilegal ang ginagawang pagrerecruit ng suspek ay agad silang nagsagawa ng entrapment operation dakong alas 3:30 ng hapon sa isang kainan sa Lumban, Laguna, na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek matapos itong tumanggap ng P7,500 marked money mula sa mga biktima.

Ang arestadong suspek ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Lumban Police habang inihahanda ang mga dokumento para sa mga kaukulang kasong criminal. Nahaharap ang suspek sa reklamong RA (Republic Act) 10022 (Migrant Workers and Overseas Filipinos Act of 1995).

Sa pahayag ni Silvio, “Paalala po sa ating mga kababayan sa mga ganitong sitwasyon na ‘wag basta mag titiwala lalo na kung hinihingan kayo agad ng malaking halaga, maigi na magsaliksik sila at magtanong sa mga otoridad. Tinitiyak ng Laguna PNP na mananagot sa batas ang suspek na ito.”

AUTHOR PROFILE