Posas

Recruiter nangako ng ‘pekeng’ trabaho sa Japan arestado

February 23, 2024 Jun I. Legaspi 52 views

TIKLO ang pinaghihinalaang illegal recruiter sa entrapment ng mga tauhan ng Department of Migrant Workers Migrant Workers Protection Bureau (DMW-MWPB) at Mandaluyong City Police.

Huli si Marjorie Almarez Diaz, 33, ng Novaliches, Quezon City sa aktong tinatanggap ang boodle money mula sa complainant na pinangakuan niya ng trabaho bilang fruit picker sa Japan na may buwanang sahod na P77,000.

Ipinagbigay alam agad ng complainant ang modus sa DMW MWPB matapos makita ang transaksiyon ng suspek na si Almarez habang tinatanggap ang bayad ng isang biktima.

Nakumpirma ng complainant na hindi lisensyado ng DMW ang agency na ibinigay sa kanya para mag-alok ng trabaho sa ibang bansa.

Batay sa reklamo, nangako ang suspek na made-deploy siya abroad kung magbabayad ng P13,500 bilang downpayment para sa “marketer’s fee” at “processing fee” ng kanyang certificate of employment, e-Registration account, Pre-Employment Orientation Seminar (PEOS) certificate, medical examination, at Pre-Departure Orientation Seminar (PDOS) certificate.

Kasalukuyang nakakulong sa CIDG detention facility sa Camp Crame ang suspek at nahaharap sa kasong illegal recruitment at estafa.

Sinigurado ni DMW officer-in-charge Hans Leo J. Cacdac na tututukan nila ang kaso at bibigyan ng libreng tulong legal ang mga biktima.

Nananawagan ang DMW sa iba pang naging biktima ni Almarez na makipag-ugnayan sa opisina ng DMW-MWPB sa 4th Floor, Blas F. Ople Building, Ortigas Avenue corner EDSA, Mandaluyong City.

Maari din mag-message ang mga biktima sa Facebook page ng DMW-MWPB https://www.facebook.com/dmwairtip para makapagsampa ng kaso.

AUTHOR PROFILE