Default Thumbnail

Rebolusyon ng pagbabago’

May 11, 2022 Allan L. Encarnacion 725 views

Allan EncarnacionSINAYANG na naman ni Nanay Leni ang pagkakataon na maging inspirasyon ng bansa.

Sa gitna ng polarisasyon, pagkakahati-hati, galit, ngitngit, bulanghit at init ng eleksiyon, naghahanap tayo ng isang palito ng posporo na sisindi ng kapayapaan sa ating bayan. Si Leni nga sana iyon dahil siya ang pigurang hinihintay ko para mag-abot ng kamay ng kapayapaan.

Sa kanyang pahayag isang araw matapos ang eleksiyon, nag-iwan pa ng landmine ni Nanay Leni. Isang mina na sasabog kapag naapakan ng mga nag-aamok na natalo sa eleksiyon. Pagtanggap at hiling pagkakaisa para suportahan ang nanalo sa eleksyon ang hinihintay kong tema ng kanyang post-election speech.

Nabigo ako, nabigo tayo. Dahil sa mga pahayag ni Leni, nagkaroon na naman ng awayan sa social media, may mga naglalabas ng “we rest today, but we’re ready for revolution tomorrow” na may kulay pink letra. Sila mismong mga tao na ito ang sumisigaw ng pagrespeto sa demokrasya, sila iyong mga nagsasabi ng maglalatag sila ng “kulay rosas sa bukas.”

Angkop ba ang kanilang ginagawa para masabi nating pagmamahal sa bayan talaga ang layunin ng kanilang pagkilos? Hindi ito tugma, para kang magsisilid ng rektanggulong kalamay sa tatsulok na sisidlan.

Nakakadalawa na si Nanay Leni ng kanyang mga “great divide genre.” Noong una, matapos siyang mahalal bilang bise-presidente, nagsalita siya sa United Nations laban sa kanyang bansa, laban sa kauupo pa lang na Presidente.

Doon na nagsimulang umasim ang relasyong lahat ng kampo, doon na nawalan ng gana ang mga taong mataas sana ang pagtingin kay VP Leni.

Itong katatapos na eleksiyon, tiyansa na naman sana ni Leni na ipagkita ang totoong statesmanship, iyong totoong “Nanay” ng bansa, iyong totoong nagmamahal sa sinasabi niyang laylayan sa lipunan pero sinayang na naman niya.

Ang gusto ko sanang marinig sa kanya isang araw lamang po ang eleksiyon, sabay-sabay na tayong sumulong at suportahan ang sinumang nanalong Presidente para sa ikauunlad ng bansa. Iyon sana ang susi sa dahan-dahang paghilom ng sugat ng eleksiyon.

Pero iba ang nangyari, binudburan ni Leni ng asin ang sariwa pang sugat ng pagkakahati-hati, sinabuyan pa niya ng gasolina ang dingas ng polarisasyon.

Maraming pumili kay Leni, wala itong duda. Marami ang naniwala sa kanya, marami ang humahanga sa kanya na nagdulot ng malaking crowd sa kanyang mga kampanya.

Sa halip na magamit ito ni Leni para sa kabutihan ng bayan, iba ang nangyari matapos ang eleksiyon.

Hindi pa man natutuyo ang tinta sa daliri ng mga botante, mayroon na agad nag-rally sa Comelec na kumukuwestiyon sa resulta ng eleksiyon.

At sa takbo ng mga pagpapaalab ng mga “kakampinks”, mukhang hindi pa tayo makakakita ng payapang bansa sa mga darating na panahon.

Kailan naman kaya tayo magkakaroon ng totoong rebolusyon ng pagbabago sa ating mga sarili?

[email protected]