Rebecca Chuaunsu overwhelmed sa tagumpay ng ‘Her Locket’
OVERWHELMED ang Fil-Sino actress/producer na si Rebecca Chuaunsu sa tagumpay ng pelikula niyang “Her Locket” sa katatapos na Sinag Maynila Film Festival.
Walong awards lang naman ang naiuwi ng moving family drama na prinodyus at pinagbidahan niya sa ilalim ng direksyon ni J.E. Tiglao.
Kabilang sa mga award na ito ang Best Film, Best Actress (Rebecca), Best Supporting Actress (Elora Españo), Best Ensemble, Best Director (Direk J.E.), Best Screenplay (Direk J. E. at Maze Miranda), Best Cinematography (Jag Concepcion) at Best Production Design (James Rosendal).
Maliban dito, napagwagian din ni Rebecca bilang lead character na si Jewel Ouyang sa “Her Locket” ang Best Actress awards mula sa Wu Wei International Film Festival sa Taiwan nitong September 1 at sa 2023 Festival International du Film Transsaharien de Zagora sa Morocco.
Kwento niya sa entertainment writers na dumalo sa final screening ng “Her Locket” sa Gateway 2 Cinema 18 nu’ng Martes ng gabi, “This has been a very difficult journey because when we were doing the pre-production stage, we were still in pandemic. Everything was done via Zoom and then my husband got sick. And then during the production stage, my husband got very ill, he got hospitalized at the ICU. And during the post production stage, when we were doing the subtitles, he passed away.”
Ganunpaman, sobra umano siyang nagpapasalamat dahil malaking tulong ang paggawa niya ng Mandarin subtitles ng pelikula sa pagmo-move forward niya sa pagkawala ng mister na si John.
Sa totoo lang, hindi ito ang kauna-unahang pelikula ni Rebecca. Nakagawa na rin siya ng iba pang mga proyekto tulad ng “Wagas” (2003) at “Sitsit” (2020).
Hindi man daw niya pinangarap na mag-uwi ng kabi-kabilang best actress trophies, aminado naman siya na pinangarap talaga niyang maging aktres.
Anyway, bale passion project ito ni Rebecca dahil inspired ang “Her Locket” ng kuwento ng kanilang pamilya.
Ang istorya nito ay umiikot sa isang babaeng may dementia na bumabalik ang matatamis at masasakit na alaala tuwing suot ang locket na may litrato ng kanyang Tsinong ina, ama at kapatid.
To be fair, deserve ng “Her Locket” ang mga parangal mula sa iba’t ibang pestibal. Puring-puri ng press ang ganda ng pelikula mula sa matinong direksyon ni Direk J.E. hanggang sa mahusay na pag-arte ng mga artista.
Nakaka-touch ang take ng pelikula sa usapin ng pagmamahal at pagpapatawad. Mapapaisip ka rin sa irony involved sa pag-alala’t paglimot ng isang may dementia sa nakaraan niyang may kakambal na saya’t kirot.
Walang itulak-kabigin sa pagganap nina Rebecca, Elora (bilang caregiver na si Teresa); Boo Gabunada (Kyle, abogadong anak ni Jewel); Sophie Ng (batang Jewel) at Benedict Cua (batang Magnus, nag-iisang kapatid ni Jewel na nangkamkam ng kanilang mana).
Lahat sila, napaka-natural.
Nang tanungin kung ano pa ang plano niya para sa “Her Locket,” sinabi ni Rebecca na, “We will still continue to bring this abroad, to the regionals also, to the school campuses and for the next five years with Sinag Maynila.”
Kung may pinagbago man daw sa buhay niya ngayon dahil sa tagumpay ng “Her Locket,” ayon sa aktres/produ, ito ay may kinalaman sa pagtitiwala at pananampalataya.
“Trust and faith. Kasi during that time when we were producing, it was pandemic. So, every step of the way, for funding, for ideas, for concept, you keep on trusting the Lord. And leap of faith that the Lord will bring us abroad, to the Philippines, to different regions and school campuses,” diin niya.
May kasunod na ba siyang proyekto pagkatapos nito?
Sagot niyang nakangiti, “When I recoup my investment.”
Maliban sa Sinag Maynila, Wu Wei at Festival International du Film Transsaharien de Zagora, nagkaroon din ng screening ang “Her Locket” sa Marche Du Film – Festival De Cannes (2023) sa France; London East Asia International Film Festival (2023) sa UK at 22nd Dhaka International Film Festival (2024) sa Bangladesh.
Produced ng Rebecca Chuaunsu Film Production, in cooperation with Rebelde Films, naimbitahan din ang “Her Locket” na lumahok sa San Diego Film Festival (USA) sa susunod na buwan.