Gatchalian

RE projects kailangan para power rates bumaba–Gatchalian

August 20, 2023 Camille P. Balagtas 151 views

ITINUTULAK ni Sen. Sherwin Gatchalian ang pagsulong ng mas maraming renewable energy (RE) projects para makatulong na mapababa ang presyo ng kuryente at matiyak ang sapat na suplay.

Binanggit niya na batay sa datos mula sa Manila Electric Co. (Meralco), nagbibigay ng pinakamurang generation cost kung ihahambing sa coal-fired at gas-fired power plants ang renewable energy.

Ipinakita ng datos na noong Hulyo, ang mga coal plant ang may pinakamataas na average generation cost na nasa P8.0978 per kilowatt hour (kWh) habang may average generation cost na P5.6636 per kWh at P4.7052 lamang kada kWh ang average generation cost ng RE power plants.

Ipinakita rin ng parehong datos na nag-ambag lamang ng 7.69% ng kabuuang kuryente na binili ng Meralco noong nakaraang buwan ang RE plants.

Sinabi ni Gatchalian na habang nasa ‘energy transition’ ang bansa kailangang maghanap ng iba’t ibang mapagkukunan ng suplay ng enerhiya.

Naghain si Gatchalian ng Senate Bill 485 o ang An Act Enhancing The Implementation Of The Net-Metering Program, Amending For The Purpose Republic Act 9513, o The Renewable Act Of 2008.

Samantala, naglabas kamakailan lang ang isang circular ang Department of Energy (DOE) na nag-aalis ng mga limitasyon sa pagmamay-ari ng mga dayuhan ng RE projects.

Nagbibigay-daan ang circular sa mga dayuhang mamumuhunan na gumalugad, bumuo at gumamit ng RE resources gaya ng solar, wind, biomass, ocean at tidal energy.