
Rayver, importante at mahal ko — Julie Anne
Kilig much ang JulieVer fans sa guesting nina Julie Anne San Jose at Rayver Cruz sa Fast Talk with Boy Abunda. Hindi ka lang kasi kikiligin sa kanilang mga sagot kundi pati sa kanilang mga aksyon.
Tinginan pa lang, sapat na, ’ika nga. Talaga namang obvious na punung-puno sila ng pagmamahal sa isa’t isa.
Sa tanong kay Rayver kung ano ang pinaka-nagustuhan niya kay Julie Anne, sagot ng aktor, “Everything, Tito Boy, she’s my world,” sabay-titigan nila nang malagkit.
“Very loving” naman ang sagot ni Julie Ann sa parehong tanong.
Habang patuloy ang “fast talk” ay napansin din ni Kuya Boy ang titigan ng dalawa at nagkomentong, “Alam mo, iba kayo magtinginan, huh!”
Tinanong si Rayver kung ano ang tawag niya kay Julie, at sagot ng aktor, “Jules, pero sa totoo lang, Tito Boy, ang tawag ko sa kanya, ‘my love.’”
Nang si Julie Anne naman ang tanungin, “pumpkin” at “love” raw ang tawag niya kay Rayver at nagtawanan sila pareho.
Ang pinaka-killer question sa dalawa ay “Sino si Julie/Rayver sa buhay mo?”
Sagot ni Rayver, “Siya lang ‘yung nag-iisang babae sa buhay ko ngayon, Tito Boy.”
Sey naman ni Julie Anne kung sino si Rayver sa buhay niya, “Importante at mahal ko.”
Pero hindi pa roon nagtapos ang kilig dahil sa huli ay hiningan ng mensahe ni Kuya Boy ang dalawa para sa isa’t isa. Dito ay sinabi ng aktor na sure na siya na si Julie Anne ang gusto na niyang makasama habang-buhay.
Ani Rayver, “Gusto ko lang sabihin sa ‘yo na this is it. Kung ‘di mo man alam pero (I’m) getting ready kasi ikaw na talaga ‘yung nakikita ko na na makakasama ko habang buhay.”
Dagdag niyang paliwanag, “Noon kasi, nagre-ready ako for myself, Tito Boy. But now, I’m getting ready para sa mga future plan ko and future ko with her.”
Simple at maikli lang ang mensahe ni ni Julie Anne sa boyfriend. Aniya, “Basta kung nasan ka, du’n ako.”
Talaga namang umaapaw ang kilig ng netizens sa comment section.
“I was smiling the whole time watching this interview live on TV tapos ngayon sa YT. Salamat, Tito Boy, and GMA for this episode. The best ang JulieVer,” reaksyon ng isang fan.