Allan

Rare breed MMDA traffic enforcers

June 14, 2024 Allan L. Encarnacion 124 views

HINDI naman puro negatibo ang mga natatanggap natin para sa MMDA.

Isang pamilya mula sa Caloocan City ang nagpapasalamat sa MMDA traffic enforcer sa mabilis na pagresponde nang magkaroon ng health emgergency ang kanilang manugang na lalaki sa Edsa, Monumento, may dalawang linggo na ang nakalilipas.

Habang nagmamaneho, na-stroke ang kanilang manugang at bumangga sa concrete barrier nang nawalan ng kontrol ang sasakyan dahil naging unconscious ang pasyente.

Ang mga enforcers na naroon ay maagap na tumulong at kahit putok na ang gulong ay minaneho nila ito para padaanin sa busway papuntang MCU Hospital.

Kaagad nadala sa ospital ang pasyente para malapatan ng lunas sa tulong na rin ng mga mabubuting pusong MMDA traffic enforcers.

Nailipat na sa St. Lukes ang pasyente at balita natin ay on the way to recovery na.

Binabati natin ang ating kaibigang si MMDA Chairman Don Artes dahil sa kanyang mabuting liderato ay nagkaroon ng mga mabubuting traffic enforcers.

Naniniwala tayong nadadala ng lider ang kanyang mga nasasakupan kapag nagpakita ito ng magagandang ehemplo.

Kunsagabay, hindi pa ako naka-engkuwentro ng mga salbahe at confrontional MMDA enforcers. Karaniwan, kapag may mga minor violation, maging marespeto ka lang ang mga motorista, napapakiusapan ang mga MMDA enforcers na hindi kailangan ang lagay or suhol. Papayuhan ka pa nila sa naging violation mo.

Marami sa kanila ang considerate, lalo na kung ang sitwasyon ay hindi naman naging sanhi ng aksidente or naging dahilan ng pagkakabuhul-buhol ng trapiko.

Mabuhay ang mga MMDA enforcers na naging bahagi ng insidenteng iyon na dapat magbigay ng inspirasyon sa ating lahat.

Chairman Artes, baka lang may chance na makuha natin ang pangalan ng mga enforcers duty nang mangyari ang insidente, pakibato lang sa atin ang detalye para mailathala naman natin ang kanilang mga pangalan.

Importanteng nabibigyan ng ganitong rekognisyon ang mga government workers, lalo na iyong mga nasa kalsada, para rin maipagmalaki sila ng kanilang pamilya at ng ating bayan.

Bagama’t ang pagiging mabuting tao ay dapat na isa sa mga requirements sa pagtatrabaho sa pamahalaan, hindi rin maikakailang marami ang salaula sa pag-uugali sa gobyerno.

Kaya nga rare breed ang mga taga-MMDA na nagpakita ng mabuting pag-uugali, lalo na sa mga oras na kailangan sila ng mga mamamayan sa kalsada.

Mabuhay ang MMDA!

[email protected]