‘Rapist’ na arms dealer sa Kyusi, timbog

April 5, 2022 Melnie Ragasa-limena 61 views

NAHULI ng pulisya ang 35-anyos na vendor na sinasabing nang-rape sa apat na babaeng menor-de-edad at pagbebenta ng mga baril at eksplosibo sa ikinasang buy-operation sa Quezon City, nitong Linggo ng hapon.

Ayon kay Quezon City Police District (QCPD) Director PBGen. Remus B. Medina, bandang alas-5:00 ng hapon Abril 3, nang maaresto ang suspek na si Mhelo Tagle Monsada, alias “Mhel”, 35, vendor, tubong Bulacan at residente ng Bigasan St., Villareal, Gulod, Novaliches sa lungsod.

Batay sa report ng Holy Spirit Police Station 14 ng QCPD, nakatanggap sila ng impormasyon kaugnay sa pagbebenta umano ng mga baril ng suspek na sinasabing sangkot din sa serye ng mga nagaganap na pangre-rape sa mga menor de edad at robbery holdup sa Quezon City, Marikina City, Bulacan, at Cavite.

Agad namang nagkasa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng PS 14 sa pangunguna ni PMaj. Jun G Fortunato, kasama sina PMSg. Dan Cabanting, at PCpl. Mark Andrew Reyes at naaresto ang suspek matapos na kumagat sa ikinasang transaksiyon ng mga awtoridad.

Sa himpilan ng pulisya ay positibong kinilala ng mga biktimang itinago sa mga pangalang Andrea Bonifacio, 14; Cristine, 17; April, 19, at Bernadeth, 15, ang suspek na siyang dumukot at humalay sa kanila.

Nakumpiska sa suspek ang dalawang piraso ng P1,000, isang Magnum caliber .22 Black Widow Revolver, apat na bala ng cal. 22, isang pulang Honda Click 125 na motorsiklo, at isang MK2 handheld grenade.

Ang suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa R.A. 10591 (Illegal Possession of Firearms and Ammunitions), R.A. 9516 (Possesion of Explosives) na may kaugnayan sa Omnibus Election Code, Forcible Abduction, at RA 8353.