Rapist Ang mga labi ng biktima habang kinukuha ng mga taga funeral parlor. Kuha ni GEMI FORMARAN

‘RAPIST-KILLER’ NG 8-ANYOS ININGUSO NG CCTV

June 1, 2023 Gemi Formaran 554 views

LUCENA CITY –– Mabilis na naresolba ng pulisya ang kaso sa paggahasa at pagpatay sa isang walong taong gulang na babae madaling araw ng Miyerkules makaraang maaresto ang suspek sa krimen kinahapunan ng araw ding iyon.

Pinapurihan ni Quezon police director Col. Ledon Monte ang mga imbestigador ng Lucena City police station sa ilalim ng panumuno ni Lt. Col. Ruben Ballera dahil sa mabilis na pagkaresolba sa kaso at pagkaaresto sa suspek na si Julius Baloaloa Rodas,19, walang trabaho at residente ng Brgy 4 sa lunsod na ito.

Sinani ni Monte na sa matiyagang backtracking ng mga pulis sa CCTV camera footages ay nakita nila si Rodas dakong 2:30 ng madaling araw habang naglalakad kasama ang biktima patungo sa lugar kung saan siya natagpuang nakahandusay at wala nang buhay.

Ayon kay Monte, dahil dito at sa mahusay na pag- iimbestiga ng mga pulis ay napaamin ng mga ito sa krimen ang suspek sa harap ng abogado.

Kinilala ni Ballera ang biktima na si Joelina Terrado Escamillas, resident ng Brgy. Kalilayan Ibaba, Unisan Quezon na natagpuang patay dakong 11:10 ng umaga makaraang si Rodas ay nag- ulat sa mga opisyales ng barangay.

Ang biktima ay nagtamo ng mga sugat sa ulo at katawan. Nakagapos ang braso at leeg nito habang ang bibig ay may nakapasak na basahan.

Sa himpilan ng pulisya, sinabi ni Rodas sa isa sa mga imbestigador na si PMSg Jessalyn Nantes na aksidente lamang niyang nakita ang bangkay ng biktima subalit hindi nito maipaliwanag kung ano ang ginagawa niya sa lugar nang mga oras na iyon.

Kinahapunan, iniutos ni Ballera ang pag-aresto kay Rodas matapos na ang iba pang imbestigador ay nakakalap ng mga CCTV camera footage na kasama ng auaoek ang biktima ilang oraa bago naganap ang krimen.

Nang nakorner, sinabi ni Ballera na si Rodas ay napilitang umamin sa krimen at nagsagawa ng isang judicial confession sa harap ni Atty. Mark Zoleta.

Base sa record ng pulisya, napag-alaman na si Rodas ay una nang naaresto ng pulisya noong April 10, 2019 dahil sa kasong pagnanakaw at isinulit sa pangangalaga ng City Social Welfare and Development Office. Noong July 1, 2022, muli siyang naaresto dahil naman sa kasong pagdadala ng patalim.

Napag-alaman kay Nantes na ang biktima kasama ang kanyang mga magulang at dalawang kapatid ay dumayo sa lunsod para umano mamalimos.

“Dumating sila dito noon pang May 28 para samantalahin ang pagdagsa ng maraming tao at mga bisita sa lunsod na nagdadaos ng “Pasayahan sa Lucena 2023”, wika ni Nantes.

Sa oras ng gabi, ang mag- anak umano ay natutulog sa mga bangketa sa harap ng ng mga business establishments kapag sarado na ang mga ito.

Nilapitan umano ng suspek ang biktima habang naglalakad upang maghanap ng bukas pang tindahan para ibili ng kape ang kanyang ina.

AUTHOR PROFILE