Rank 8 na si Gen. Eleazar sa senatorial survey

April 21, 2022 Marlon Purification 146 views

Marlon PurificationGOOD news ito sa lahat ng tagasuporta ni dating Philippine National Police (PNP) chief Gen. Guillermo ‘Guillor’ Eleazar.

Pang-walo na ito para sa lahat ng tumatakbo sa pagkasenador sa darating na May 9, 2022 elections.

Si Eleazar ay senatorial candidate sa ilalim ng Partido Reporma na ang standard bearer ay si Senator Ping Lacson at running-mate na si Senate President Tito Sotto.

Base sa website ng Go Philippines, ang dating top cop ng bansa ay kasama na sa Top 12 ng mga kumakandidatong senador ngayon.

Nakakuha ito ng 26% at Rank 8 na ngayon.

“Ako ay nagagalak at labis-labis na nagpapasalamat sa suporta at tiwalang ibinibigay ng ating mga kababayan sa atin. Kitang-kita ang kumpiyansang ibinibigay sa atin sa resulta ng survey na isinagawa ng Go Philippines,” ani Eleazar.

“Sa nalalabing araw ng kampanya, ipagpapatuloy natin ang pagpapakilala sa ating sarili at mga plataporma para sa bayan. Hindi tayo magsasayang ng anumang araw dahil bawat araw ay mahalaga upang ipaalam sa tao ang malinis at tapat nating hangaring maglingkod para sa bayan,” dagdag pa niya.

Sinabi ni Eleazar na magandang development ito para sa kanyang kandidatura.

Gayunman, hindi pa rin siya magpapakampante lalo’t wala nang tatlong linggo ay halalan na.

“Itong mga resulta ng survey ay nagsisilbing inspirasyon sa atin upang mas galingan pa sa kampanya at pag-igihan pa ang pagpapakilala sa mga programa at proyektong ating pinaplano para sa ikabubuti ng buhay ng ating mga kababayan,” ani Eleazar.

Bago ang pagtakbo ngayong halalan, si Eleazar ay nanilbihan sa pulisya sa loob ng tatlong dekada.

Kilala ito sa pagiging disciplinarian at ang hindi matawarang paglaban sa kriminalidad sa bansa.

Tulad ni Lacson, kilala rin si Eleazar na galit sa mga scalawag na pulis.

Dahil sa pagiging mahusay na alagad ng batas, pinarangalan si Eleazar ng Civil Service Commission ng Lingkod Bayan Award.

At kung tama ang ating datus, si Eleazar lamang din ngayon sa lahat ng kandidato sa pagkasenador ang nakatanggap ng ganitong uri ng award.

Si Eleazar din ang nag-iisang police official na nasa Top 20 ngayon na nanliligaw sa mga botante para ihalal siya bilang senador ng bansa.

Kung ako ang tatanungin, marapat at dapat lamang nating iboto si Eleazar dahil alam nating marami pa itong magagawa bilang mambabatas, higit lalo sa larangan ng kriminalidad, peace and order at higit sa lahat para sa kapakanan ng mga sundalo, pulis at iba pang nasa law enforcement service ng Pilipinas.