Random drug test at inspection ng LTO, palawakin pa

September 22, 2022 Paul M. Gutierrez 58 views

PaulMULING magsasagawa ang Land Transportation Office (LTO) ng random nationwide inspections at drug tests sa mga driver ng public utility vehicles (PUVs) para masiguro ang kaligtasan sa kalsada.

Alinsunod umano ito sa Section 15 ng Republic Act No. 10856 o ang Anti-Drunk and Drugged Driving Act of 2013.

Base sa datos ng LTO nasa 558 insidente ng banggaan sa kalsada ang kanilang naitala mula Enero hanggang Agosto 2022 kung saan 476 na driver ang nagpositibo sa pagkalasing sa alkohol. Nitong Agosto lamang mayroon ang pinakamaraming bilang na nasa 128.

Makikita natin sa pagtaas ng bilang na ito kung bakit nais ituloy ng LTO ang random inspections at drug tests sa mga driver ng PUV para makaiwas o makabawas sa mga aksidenteng katulad nito.

Maganda at napapanahon marahil na maisagawa ito ng LTO dahil datos na ang nagsasabi na may pagtaas sa mga aksidente. Lalo na mga pampublikong sasakyan ito kaya ibayong kaligtasan talaga dapat ang ating tinitiyak. Lalo na ngayon na nagbubukas ang mga klase at nagiging pasahero ang mga estudyante.

Hindi maikakaila na may mga driver ng dyip na walang kaingat-ingat magmaneho lalo na yung mga tinuturing o tinatawag na ‘patok’ na halos magpalipad ng kanilang mga sasakyan. Hindi lamang ito sa mga dyip kundi maging sa mga bus.

Ang siste kasi mga kababayan, dahil sa kanilang trabaho na kailangang gumising nang maaga para mamasada at halos ilang oras na tulog lamang ang ginagawang pahinga pagkauwi sa gabi, hindi maiiwasan na may mga drayber para magising ay gumagamit ng droga. Yan po ang katotohanan dyan. May mga taxi nga na halos 24 oras kung mamasada.

Harapin po natin ang katotohanan na problema pa rin po ang droga sa kalukuyan at may mga drayber talaga na gumagamit para lamang mapanatili nilang gising ang sarili nila sa pasada kaya nagbibigay peligro sa publiko.

Hindi lamang po ito sa mga namamasada maging sa mga drayber ng mga truck ganito rin ang nangyayari. At alam po natin kung gaano kapeligroso ang mga truck sa kalsada lalo na kung nakadroga pa ang drayber nito.

Kaya dapat po ang random inspection at drug test ng LTO hindi lamang sa mga PUV. Kailangang lawakan pa ito para mas maging ligtas ang ating mga kalsada. Dahil alam naman po natin buhay po ang nawawala sa mga aksidente. Ang nakakaawa po ay yung mga inosenteng nadadamay dito.

At ngayong darating na Kapaskuhan, ay tiyak na kaliwa’t kanan na naman ang mga party at inuman kaya may mga drayber na naman na magmamaneho ng lasing at alam na natin ang sagot: maaaksidente at mandadamay pa ng iba.

Tapos ang magpopositibo na drayber sa pagkalasing sa alak ay isasailalim lamang sa alarma at preventive suspension sa loob ng 90 na araw o tatlong buwan. Ito ay habang hinihintay pa ang administrative sanction at parusa na ibibigay base sa mga paglabag.

Para po sa atin hindi po sasapat lamang ang ganito kaya malakas ang loob ng iba na labagin lamang ang batas. Kailangan ng mas mahipit na mga batas at parusa para hindi basta-bastang malabag ang batas.

Sana mapalawak at mapalakas ng LTO ang ganitong hakbang para matiyak ang kaligtasan ng ating mga kalsada. Sa ngayon, ikinatutuwa natin ang hakbang na ito ng LTO lalo na ngayong darating na Kapaskuhan.

AUTHOR PROFILE