‘Rambulan’ na naman

June 14, 2021 Joey C. Papa 155 views

Pumili ng anim na nominado ang oposisyong 1Sambayan upang ilaban sa kung sinumang ilalarga ng kasalukuyang administrasyon sa eleksyong 2022.

Pagka-anunsyo sa anim ng nominado ng oposisyon, umatras na agad ang apat at sina VP Leni Robredo at dating Senador Sonnmy Trillanes na lang ang naiwan sa oposisyon.

Sina Robredo at Trillanes ay kapwa nanawagang sana ay isa lamang ang magiging kandidatong pangulo at ikalawang pangulo ng oposisyon. Mainam naman ito upang hindi mahati ang kanilang boto.

Hindi ko lang alam kung mananatili ang ganitong paniniwala.

Sa tingin ko ay may mga tatakbo sa oposisyon na hindi ka1Sambayan nina Robredo at Trillanes. Panghati ba o pampanipis ng boto. Malungkot kung magkakaganon.

Sa administrasayon naman, isinusulong ng ilang grupo na tumakbong ikalawang pangulo si Pangulong Duterte.

Nagsimula na ang rambulan sa asperto ng legal ba o hindi at sa pagkakaroon ng dynasty ng mga Duterte.

Ilang ulit namang sinasabi ni PD30 na ayaw niyang patakbuhin si Davao City Mayor Sara Duterte sa pagka-pangulo at tama na umano ang naranasan niyang sakit ng ulo sa panunungkulan niya.

Kapuwa nila itinangging may balak silang tumakbo sa 2022.

Ngunit sinabi naman ni Presidential Spokesperson Harry Roque na pinag-iisipan pa raw ni PD30 ang bagay na ito.

Wala pa talagang katiyakan ang mga “makikipagsalpukan sa tupada” ‘ika nga.

Sa akin ay parang maaga pa upang maglahad na ng mga kartada ang mga pulitiko.

Ganyan ang inabot ni dating Panguilong Jejomar Binay nang maaga siyang magpahayag na gusto niyang maging pangulo. Saan na siya ngayon? ‘’Ika nga’y the rest is history.

Huwag daw bigyan ng pagkakataon ang kalaban na wasakin ka sa unang salpukan pa lang . Hayaan daw na manatiling nagbabasa ng galaw ang kalaban.

May mga nakausap naman akong mga kababayan natin ang nagsabing “kailangan pa raw bang bumoto? May mapapala ba sa eleksyon?”.

Marami nang napaso o nasunog na sa eleksyon. Ilang pangulo na raw at mga opsiyal ng Senado at mababang kapulungan ang naupo sa mahigit limang dekada ngunit ang kalagayan ni Juan De La Cruz ay sampung kahig isang tuka pa rin.

May nagsabi pang eleksyon ba talaga ang sagot sa kahirapan. Lalo ‘umanong dumarami ang mahihirap. Pandemic pa ngayon ngunit eleksyon na ang pinagtatalunan. Maraming naghihirap at walang trabaho ngayon.

Madaling sabihing si ganito at si ganoon ang dapat iboto ngunit kapag nakaupo na ay hindi naman makausap na upang masabi ang mga problema ng mga Pilipino. Mga assistant na lang nila ang humaharap kay Juan De La Cruz kapag nasa kapangyarihan na sila. Busy na daw sila.

Ngunit noong nangangampanya nga naman sila, halos “himurin ang mga puwet” ng mga botante upang hingin ang kanilang mga boto.

Hindi na ba natuto ang mga botanteng Pilipino? Hoy gising!! (bangonkalikasan@yahoo.com).

AUTHOR PROFILE