‘Raket’ ng kabataan vs edukasyon
MARAMI kaming mga magpipinsan na luminya kung saan nakalinya ang aming mga tatay.
Sa father side, halos lahat car painter, sa mother side, marami naman mga karpintero. Iyong mga pinsan ko, mga tiyuhin, halos lahat sila nagpipintura ng kotse.
Iyong kuya ko na pumanaw na ay luminya sa linya ng tatay kong pintor. Natuto siyang magpintura ng kotse at naging car painter sa General Motor of the Philippines na siya ring pinasukan ng aking ama sa Paco, Maynila.
Noong mga 70s, ang lahat ng mga kotse mula sa Toyota, Nissan, Honda, Mazda, Ople Manta at kung anu-ano pa ay sa GM lang ang bagsakan ng mga sasakyang CBU kung tawagin or complete buildup. Hindi ko lang alam kung assembly plant din ang GM pero malamang doon din dinadala ang CBK or complete knockdown para doon buuin mula sa Japan or kung saan man.
Pagkapintura, tsaka pa lang ilalabas sa GM.
Pero noong mga late 80’s or early 90s, nagsara na ang GM dahil siguro nagkanya-kanyang planta na ang mga brand ng sasakyan gaya ng Toyota at Honda na parehong may sariling planta na sa Sta Rosa, Laguna.
Dalawang beses akong nakasama sa pagpipintura ng kotse. Isang beses isinama ako ng kuya ko sa Paranaque may pakyaw siya doon. Iyong isa pa, doon lang sa Nuestra Senora sa Gracepark, Caloocan kung saan kami nakatira at doon lang sa kalsada ginagawa ng tatay ko ang kotseng nakontrata niya.
Kaya nasubukan ko ring magbilad sa araw para magliha ng mga parte ng kotse pagkatapos mamasilyahan. Kailangan kasing agarin ang pagliliha kapag matindi ang sikat ng araw para mabugahan agad ng spray gun paint. Hindi kasi puwedeng magpintura ng kotse kapag maulan or malamig ang panahon dahil lumolobo ang pintura.
Nasa elementarya pa siguro ako noong panahong iyon. Nakita at naramdaman ko first hand kung gaano pala kahirap ang trabaho ng pintor. Nakakabad ka na sa init, tagaktak pa ang pawis at sakit ng katawan ang aabutin mo pagkatapos ng maghapon.
Doon ko na naisip na hindi ako dadaan sa linya na dinaanan ng aking kapatid at ng aking tatay. Ang mga pinsan ko, nagpatuloy sa kanilang pagpipintura, namana nila ang trabaho ng magkakamag-anak. Iyo iba ko ring pinsan, nagokus naman sa carpentry.
Magmula noon, hindi na ulit ako sumama kapag may kontrata sila. Hindi na muli ako humawak ng liha at hindi na ako lumingon sa kanilang ginagawa. Nag-iba na ako ng mundo, mas gusto kong mag-aral at makapagtapos sa kolehiyo. Gusto kong gumawa ng sarili kong linya, ayaw kong makidaan sa linya nila.
Maraming kabataan ang mas pinipili ang magtrabaho kahit sa kanilang murang edad. Kapag kumita na ng konting pera, iyon na ang nagugustuhan nilang buhay. Tumitigil na sila sa pag-aaral, ipinupursigi na lang luminya kung anong linya ng kanilang mga magulang or kapatid na mas matanda sa kanila.
Kaya tayo maraming out of school youth dahil sa kaisipang puwede namang kumita kahit hindi na mag-aral. Ito iyong sangkap para lalong maghirap ang pamilya or hindi na makaahon mula sa kung anong kahirapan ang kanilang nagisnan.
Naabutan ako ng konting pera noon pagkatapos magliha ng kotse pero sa tingin ko, hindi iyon sapat para sa maging masaya ako kaya siguro ako nagdesisyong unahin ang pag-aaral kaysa pagtatrabaho.
Marami akong naging trabaho mula sa elementarya hanggang high school pero trabaho iyon na sarili ko lang sideline gaya ng paghuhugas ng jeep or magbubuhat ng mga pinto or bintahang kahoy sa isang sash factory. Gumawa rin ako ng mga flat bar na handle ng bintana sa edad kong 16. P250.00 per week ang sahod ko, bigtime na yan para sa binatilyong tulad ko noon. Pero kahit maganda na kita ko sa mga “raket” ko mas gusto ko pa ring mag-aral.
Hanggang maging working student ako bilang correspondent sa Abante noong 3rd year college, tinapos ko pa rin ang aking pag-aaral. Nakatapos ako ng AB Communications sa Lyceum, Manila noong 1990 hanggang makapagtrabaho sa iba’t ibang matataas na posisyon sa mga kompanyang pinasukan ko.
Puwede kong sabihin na tama ang desisyon kong mag-aral at tama ring tinalikuran ko ang linya ng pagpipintura ng kotse.
Kaya ang panawagan natin sa mga kabataan, okey lang “rumaket” sa iba’t ibang larangan kahit pa magtinda ng bote or bakal basta ang importante, edukasyon pa rin ang una.
Iba ang nakatapos ng pag-aaral, makakalaban ka kahit saang larangan.