Default Thumbnail

Raid sa Aurora province; bonnet gang sa Camanava

April 4, 2022 Allan L. Encarnacion 566 views

Allan EncarnacionMAHIGPIT na ipinagbabawal sa Omnibus Election Code ang paggamit sa pasilidad ng gobyerno para sa bentahe ng mga kandidato, nakaupo man o hindi.

Itong nangyaring raid ng mga pulis sa Aurora Training Center o ATC ay hindi dapat mawala sa pokus ng Comelec dahil sa tahasang paglabag sa batas ng ating eleksiyon.

Ang pagkakahuli ng PNP raiding team sa pag-iimprenta ng mga campaign materials ng mga kandidato sa lalawigan ay isang ehemplo na binabalewa ang mga batas.

Ang ATC ang klarong pasilidad ng pamahalaan ng lalawigan na ang pondo ay nagmumula sa gobyerno.

Sa search/seize warrant na inilabas ni Aurora Regional Trial Court Branch 91 Executive Judge Enrico Voltaire Rivera nito lang March 31, 2022, inatasan ang mga pulis na tingnan ang ATC extension facility dahil sa impormasyon ng isang Police Lt. Sonny De Guzman at ng isang Michael Tequico na may paglabag sa Omnibus Election code sa naturang lugar.

Sa mismong raid na isinagawa ng mga pulis sa ATC, nahuli sa aktong iniimprenta ang mga campaign materials ng mga kandidato sa lokal na halalan.

May mga video footages ng raid na nagpapakita ng actual na pag-iimprenta ng mga propaganda materials ng ilang pulitiko na ang iba ay nakapuwesto pa.

Mabigat ang kaparusahang naghihintay sa mga sangkot dito, kabilang na ang disqualification at posibleng ban na makapagtrabaho sa pamahalaan.

Kaya bawal ang paggamit sa pasilidad ng pamahalaan ng mga kandidato, lalo na kung incumbent, ay dahil bukod sa panlalamang ito sa kalabang kandidato, nagagamit din ang pondo ng pamahalalan sa maling paraan.

Palasak ito sa lokal na pamahalaan kaya dapat lamang na maging mapagbantay ang Comelec. Inaabuso ng ibang lokal executives ang kanilang posisyon para magamit ang pondo at pasilidad ng opisina na nagsusulong ang kandidatura ng mga nasa posisyon at mga kakampi nito.

Bagama’t may mga picture at pangalan ang mga kandidatong actual na iniimprenta nang mangyari ang raid, binibigyan pa rin sila ng batas ng pagkakataon na makapagpaliwanag kung bakit hindi sila dapat mapatawan ng kaparusahan.

Sana lang ay maging mabilis ang disposisyon ng Comelec at ng korte sa isyung ito sa Aurora dahil halos isang buwan na lang ay magaganap na ang local at national elections.

***

Iyong ibang kandidato naman na nakapuwesto, iba ang ginagawang istilo para halos pareho rin. Hindi nga nag-iimprenta sa pasilidad ng pamahalaan, ginagamit naman ang mga empleyado at mga job orders para magbaklas ng posters ng kanilang mga kalaban.

Talamak ito sa mga lokal, lalo na iyong incumbent na ang pakiramdam ay matatalo sila ng kalaban sa pulitika.

Sa bandang Kamanava area, may mga naka-bonet at armado ng matataas na kalibre ng baril na ang trabaho lang ay magbagsak ng posters ng kalaban at agawin ang mga campaign materials ng karibal.

Iyong ibang armado, pinapasok pa ang mga pribadong bakuran para tanggalin lang ang posters ng kalaban. Ganoon sila ka-insecure dahil alam nilang olat na sila sa paparating na eleksiyon.

Nanawagan tayo sa NBI at CIDG na mag-ikot din sa Camanava area gamit ang unmarked vehicles para maaresto ang “election bonnet gang” na ito na lantarang lumalabag sa gun ban.

Baka maging sanhi ng bloody shootout ang ginawang ito ng mga armadong grupo dahil lang sa pagsunod sa kanilang maruming pamumulitika ng kanilang amo.

[email protected]