Rabiya at Pokwang, pahinga muna sa lovelife
Mukhang malaki ang naitulong ng pagiging loveless nina Rabiya Mateo at Pokwang para lalo silang mag-bond sa set ng bagong Kapuso variety show na Tiktoclock kasama si Kim Atienza.
Sa online mediacon ng programa kahapon, sinabi ni Pokwang na may mga pagkakataong inookray niya si Rabiya hanggang sa hindi nila namamalayan, eh, pinagtatawanan na lang nila ang kanilang mga pinagdaanan.
Gaya ni Pokwang, na gustong mag-focus sa mga anak matapos ang pakikipaghiwalay sa Amerikanong si Lee O’Brian seven months ago, plano ni Rabiya na mag-focus sa career after ng breakup nila ni Jeric Gonzales.
Malaking tulong din daw ang pagiging grateful nila sa lahat ng breaks na dumarating para maging smooth ang pagtatrabaho nila.
“Once na nadapa ka, bangon ka at magpaka-busy ka,” katwiran ni Rabiya.
Sabi pa ng dating beauty queen, natuto na siyang i-set aside ang anumang problema para makasabay sa pagiging competitive ng mga taga-showbiz.
Wala rin naman daw perpektong buhay at lahat ng tao ay dumaraan sa mga problema. Ang importante para kina Rabiya at Pokwang ay ang maging masaya lang on and off-cam at mas mag-focus sa mga positibong pangyayari sa buhay.
“’Yun din po ang advice nina Mama Pokwang at Kuya Kim sa akin, sobrang blessed ka na nandito ka sa spot na ito. Gusto ko po muna maging magaling sa Tiktoclock,” dagdag ni Rabiya, na first time maging host.
Para naman kay Pokwang, ayaw na niyang kontrahin ang Diyos.
Blessed din ang feeling niya na mapili ng GMA para mag-host ng Tiktoclock kaya aniya, dapat lang na maging masaya, magpasalamat at ipakita ang kasiyahang iyon sa lahat ng manonood.
“Hindi ko na kinukontra si God, bahala Ka na po. Maghahanap-buhay na muna ako, Kayo na po ang bahala,” ang dasal ng komedyana.
Anyway, first time ngang magkakasama ng tatlo sa isang show kaya marami silang discoveries sa isa’t isa.
Kung si Rabiya ay prim and proper ang first impression nina Pokwang at Kuya Kim, bandang huli, “barubal” na ang tawag nila rito.
Si Kuya Kim naman, akala raw ni Rabiya, eh, napaka-stiff nu’ng una. Pero sobrang bait daw pala at may mga pagkakataon na ito pa ang bumabangka sa mga chismis.
Churchmates sina Rabiya at Kuya Kim bago pa naging Tiktoclock co-hosts.
Si Pokwang, nandu’n daw lagi ang touch ng pagiging nanay kay Rabiya kaya naman ganu’n na lang ang pasasalamat ng dalaga sa dalawang kasama dahil nakatagpo raw siya ng matatawag na pamilya lalo na ngayong mag-isa siyang naninirahan dito sa Maynila.
Ngayong July na magsisimulang mapanood ang Tiktoclock sa GMA Network.