QUIBOLOY, WALANG GANERN!
Hontiveros: Senado iniimbestigahan pang-aabuso gamit paniniwala, walang religious persecution
TINIYAK ni Sen. Risa Hontiveros sa televangelist na si Pastor Apollo Quiboloy na hindi religious persecution ang isinasagawang imbestigasyon ng Senado kundi isang pagsusuri sa paggamit ng paniniwalang upang abusuhin ang mga taga-sunod.
“Hindi po ito religious persecution. Ito’y pagsisiyasat sa paggamit sa paniniwala, pananalig, o pananampalataya ng iba para gumawa ng kasuklam-suklam na abuso at pinsala sa mga taong binaluktot ang paniniwala,” ani Hontiveros sa isang press conference.
Ginawa ni Hontiveros ang pahayag matapos tumanggi si Quiboloy na dumalo sa pagdinig ng Senado kaugnay ng alegasyon ng human trafficking, rape, at sexual at physical abuse na nagaganap sa loob ng Kingdom of Jesus Christ church (KOJC).
Mayroong mga naniniwala na nagagamit ang paniniwalang pangrelihiyon upang abusuhin ang iba at gamitin din ang relihiyon upang matakasan ang pananagutan.
Si Hontiveros ang chairperson ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations, and Gender Equality na nagsasagawa ng imbestigasyon sa mga karumal-dumal na krimen na nangyayari sa loob ng KOJC.
Nilagdaan na ni Sen. Juan Miguel Zubiri ang subpoena laban kay Quiboloy upang ito ay piliting dumalo sa isasagawang pagdinig ng komite ni Hontiveros sa Marso 5.
Inaasahan na rin na maglalabas ang Department of Justice ng immigration lookout bulletin order laban kay Quiboloy kaugnay ng isinasagawang imbestigasyon ng Senado.
Ayon sa Bureau of Immigration (BI), si Quiboloy ay nasa Pilipinas pa batay sa kanilang mga rekord, taliwas sa mga ulat na ito ay nagtatago na sa China.