QUIBOLOY TINABLA SUBPOENA NG SENADO
TINABLA ng televangelist na si Pastor Apollo Quiboloy ang subpoena na ipinalabas ng Senado para humarap sa pagdinig at sagutin ang mga akusasyon sa kanya at sa pinamumunuang Kingdom of Jesus Christ (KOJC).
Idineklara ni Quiboloy na hindi ito dadalo sa pagdinig ng Senate committee on women, children, family relations and gender equality na pinamumunuan ni Sen. Risa Hontiveros.
Sinabi ni Quiboloy na tanging sa korte lamang ito haharap upang sagutin ang mga alegasyon, kaya hamon nito kay Hontiveros magsampa ng kaso.
“Go to court and file a case against me. I will answer you there because it would have fair play,” ani Quiboloy.
Si Quiboloy ay iniimbestigahan kaugnay ng mga akusasyon ng human trafficking, rape, at sexual at physical abuse.
Sa pagdinig ng komite ni Hontiveros noong Enero 23, ilang testigo ang humarap upang patunayan ang alegasyon laban kay Quiboloy at sa KOJC.
Matapos mabigo na dumalo sa pagdinig sa kabila ng mga ipinadalang imbitasyon, naglabas ang komite ng Senado ng subpoena laban kay Quiboloy.
“Dahil nakapagpadala po ng dalawang imbitasyon, one by LBC and one by registered mail, pero walang sagot at attendance ni Pastor Quiboloy, the chair would move to subpoena Pastor Apollo Carreon Quiboloy for the next hearing of this committee,” sabi ni Hontiveros.
Nagpadala ng abogado si Quiboloy subalit sinabi ni Hontiveros na si Quiboloy ang dapat na humarap upang sagutin ang mga alegasyon.
“Kayo Pastor ang dapat humarap sa susunod na pagdinig because you are being subpoenaed by this committee. Hindi po kayo anak ng diyos na exempt sa awtoridad ng estado,” wika pa ni Hontiveros.
“Kahit ang Korte Suprema ay walang kapangyarihang pigilan ang ganitong inquiries ng Senado, at ang pag-require sa mga taong humarap dito… like any ordinary witness, you, of course, can invoke the right against self-incrimination only when and as the [possibly] incriminating question is propounded,” sabi pa nito.
Ayon kay Hontiveros, mayroon pang mga testigo na nagpahayag ng kahandaan na humarap sa pagdinig ng Senado upang ikuwento ang kanilang mga karanasan sa KOJC.