Quiboloy

Quiboloy ‘takot’ makulong habangbuhay sa Amerika

September 16, 2024 Alfred P. Dalizon 164 views

NATAKOT umanong ma-extradite si Pastor Apollo C. Quiboloy, na nahaharap sa serye ng pederal na kaso sa Amerika, kung saan maaari siyang makulong habangbuhay sakaling mapatunayang guilty sa mga kasong isinampa laban sa kanya.

“It would be like eternal damnation for him if he’s extradited to the U.S. No more daily visits from his lawyers, family, or friends. He’ll be just an ordinary inmate in an American prison,” ayon sa isang opisyal.

Noong Nobyembre 2021, inakusahan si Quiboloy at ilan pang kasamahan ng mga pederal na taga-usig sa United States ng sex trafficking, na nang-abuso ng mga biktima na kasing-bata ng 12 taon.

Gumamit umano sila ng pagbabanta ng “eternal damnation” at pisikal na pang-aabuso.

Naglabas ang US Federal Bureau of Investigation (FBI) ng warrant para sa pag-aresto kay Quiboloy, kasunod ng mga testimonya mula sa mga saksi na nagdedetalye ng umano’y pang-aabuso sa loob ng sex trafficking network na pinamunuan ng pastor.

Ayon sa parehong source, nasa kustodiya na ng FBI ang ilang biktima ng nasabing sex trafficking network. Ang mga kasamahan ni Quiboloy na sina Teresita Dandan at Helen Panilag, parehong Filipino-American, ay patuloy na hinahanap.

Nitong nakaraang linggo, sinabi ni Philippine Ambassador to the US Jose Manuel Romualdez na “inevitable” ang extradition ni Quiboloy.

“If Quiboloy is guilty, he has to face the music both in the Philippines and the U.S.,” ani Romualdez. “We will have to face up to the fact that extradition is inevitable.”

Sinabi naman ni Department of Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na inaasahan nilang magsusumite ng extradition request ang US para kay Quiboloy.

Subalit kailangan muna niyang harapin ang mga kaso sa Pilipinas, kabilang ang paglabag sa Republic Act (RA) 7610, o Special Protection of Children Against Abuse, at qualified human trafficking sa ilalim ng RA 9208.

Si Quiboloy at ang kanyang mga kasamahan ay tumangging umamin sa mga kasong isinampa.

Samantala, kasalukuyang iniimbestigahan ng Philippine National Police (PNP) ang presensya ng tinatawag na “Angels of Death” ni Quiboloy — mga umano’y tauhan na nang-iintimidate o pumapatay sa sinumang lalabag sa kagustuhan ng pastor.

Ayon kay PNP spokesperson Col. Jean Fajardo, iniimbestigahan na ang mga security guard at Army reservists na diumano’y bahagi ng grupong ito.

Sinabi ni Fajardo na ang “Angels of Death” ay totoo at iniutos na ang pagbawi ng kanilang lisensya sa armas.

Aniya, ilang biktima ang nagsabing hinahabol sila ng grupong ito kapag sumuway sa utos ni Quiboloy. Patuloy na sinisiguro ng kapulisan ang kaligtasan ng mga biktima at nagrereklamo.

Ayon kay Brig. Gen. Nicolas Torre, commander ng Police Regional Office 11, hindi bababa sa dalawa sa mga nagreklamo ang nagbigay ng pahayag na sila’y inabuso mula pagkabata.

Nakikipag-ugnayan na ang PNP sa Department of Social Welfare and Development upang iligtas ang iba pang mga biktima.

AUTHOR PROFILE