Quiboloy

QUIBOLOY ‘QUOTA’ NA SA KONGRESO

February 25, 2024 People's Tonight 78 views

Pasensiya ng Kamara, Senado ‘sinasagad’?

SINASAGAD umano ng self-proclaimed “appointed son of God” na si televangelist Pastor Apollo Quiboloy ang pasensya ng Senado at Kamara de Representantes na kapwa nagpalabas na ng subpoena laban sa kanya matapos na hindi dumalo sa magkahiwalay na imbestigasyon ng mga ito.

Nagsasagawa ng pagsisisayat ang Senado kaugnay ng human trafficking, rape, at sexual at physical abuse na nangyayari umano sa loob ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) church na pinamumunuan ni Quiboloy samantalang iniimbestigahan naman ng Kamara ang mga paglabag sa prangkisa ng Sonshine Media Network International (SMNI) kung saan ang Pastor ang pinaniniwalaang beneficial owner.

Nagpahiwatig na si Sen. Risa Hontiveros, chairperson ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations, and Gender Equality, na ipaaaresto si Quiboloy kung hindi ito sisipot sa pagdinig sa Marso 5.

“Binabalaan ko sila, ‘pag hindi sila nagpakita sa susunod na hearing, March 5, isa-cite ko sila in contempt, paaaresto ko siya,” ani Hontiveros na ang pinatutungkulan ay ang lider ng KOJC.

Sa Marso 12 naman magsasagawa ng pagdinig ang House Committee on Legislative Franchises kaugnay ng mga paglabag ng SMNI sa prangkisa nito gaya ng pagpapakalat ng fake news, red-tagging, at hindi pagsunod sa mga regulasyon ng mga korporasyon.

Ang subpoena ng Kamara ay nilagdaan nina Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, Committee on Legislative Franchises Chair at Parañaque City 2nd District Rep. Gus S. Tambunting, at House Secretary General Reginald Velasco.

Nakasaad sa subpoena na ang komite, alinsunod sa Section 11 ng Rules of Procedure Governing Inquiries in Aid of Legislation of the House of Representatives ay mayroong kapangyarihan na mag-contempt na maaaring gamitin kung hindi dadalo sa pagdinig.

Nauna rito, nagbabala si Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel, vice chair ng House franchise panel, na maaaring ipaaresto si Quiboloy kung hindi ito dadalo sa pagdinig.

“Under our House rules, we can cite him for contempt for non-appearance or non-cooperation. If he continues to evade the hearings, we will request Speaker Martin (Romualdez) to issue a warrant of arrest,” paliwanag ni Pimentel.

Sinabi ni Pimentel na nangyari na ito sa mga nakaraang pagdinig ng Kamara at inihalimbawa ang kaso ni dating Senator Leila De Lima kaugnay ng ipinagbabawal na gamot kung saan ipina-contempt at ipinaaresto ang umano’y bagman at drayber nito na si Ronnie Dayan dahil sa hindi pagdalo sa pagdinig.

“A similar course of action could be pursued if Quiboloy persists in his absence from the hearings, despite the issuance of a subpoena and potential contempt proceedings,” babala ni Pimentel.

AUTHOR PROFILE