Quiboloy Kingdom of Jesus Christ Pastor Apollo Quiboloy at NBI officer-in-charge Eric Distor

Quiboloy nais manatili si Distor sa NBI

June 24, 2022 Marlon Purification 1209 views

NAIS ni Kingdom of Jesus Christ Pastor Apollo Quiboloy na ma-retain muna si National Bureau of Investigation (NBI) officer-in-charge Eric Distor, upang higit pang mapagpatuloy ang kampanya ng pamahalaan laban sa mga organized crime group, partikular na ang pagsugpo sa sindikato ng ipinagbabawal na gamot.

Sa SMNI one-on-one exclusive interview kay Distor, personal na sinabi ni Quiboloy ang kahilingang huwag na muna tanggalin sa puwesto ang kasalukuyang hepe ng NBI dahil sa magagandang performance nito sa ilalim ng Duterte administration.

“Sana Director Eric, hindi ka na muna maalis diyan kasi mahirap tayong makahanap ngayon ng isang matino na isang leader na katulad mo na involved sa (campaign against) dangerous drugs,” ani Quiboloy.

Naniniwala ang Pastor sa kakayahan at kredibilidad ni Distor dahil kahit kailan ay hindi ito nagpasilaw sa pera.

“Sapagkat ito may pera ‘eh. This is very corrosive. Sabi pa nga ng ating pangulo (Duterte), this is very corrosive for the society kasi puwede kang ma-bribe, tulad ng mga Taiwanese na nangyaring nagkaroon ng factory dito. They were trying to bribe kung ilang hundreds of millions ang kanilang ibabayad para ‘wag lang managot. Iyon ang pinakamatindi,” anang Pastor.

“Kaya we’re praying for leaders like you na dapat manatili riyan na subok na subok na sa ating pamayanan. Ito’y nakakatakot kasi isa ito sa mga flagship project ng ating Pangulo. Ito talagang drugs kasi 18 years before 2016 ipinahayag ng Ama sa akin na si Pangulong Duterte magiging presidente at nakita ko for these reason na babagsak na tayo at magiging narco state if it had not been for him to be elected as president,” wika pa ni Quiboloy.

Naniniwala si Quiboloy na kung hindi dahil sa sipag, tapat at dedikasyon sa trabaho ng mga namamahala sa law enforcement agency ngayon na tulad ni Distor ay malamang tuluyan nang naging “narco state” ang buong Pilipinas.

Kamakailan ay mismong si Pangulong Duterte ang nagbigay ng Order of Lapu-Lapu award kay Distor at walo pang NBI agents dahil sa matagumpay na pagsamsam sa 1.6 tonelada ng shabu na nagkakahalaga ng P11 billion sa Infanta, Quezon.

Ang Order of Lapu-Lapu Award ay pinakaprestiyosong parangal at pagpupugay na ibinibigay sa isang miyembro ng law enforcement agency.

Sampong katao ang naaresto ng grupo ni Distor sa pinakamalaking anti-illegal drugs operation na isinagawa noong March 15 nitong taon.

“The biggest (shabu operation) in Southeast Asia and second biggest in the world,” ani Quiboloy kasabay ng pagbibigay pugay sa malaking trabaho ng NBI.

“Lahat ng pagtitiwala niya (Duterte) sa’yo at binigyan ka nito ng itong (Order of Lapu-Lapu) award na ito alam ko hindi basta-basta nagbibigay ng award ang ating pangulo at napagkakatiwalaan, lalong-lalo na sa usapin ng drugs,” pagbibigay-diin pa nito.

Ngayong nalalapit ang panunumpa ni incoming President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. bilang ika-17 pangulo ng bansa, marami ang nagpapakalat ng “tsismis” na papalitan si Distor.

“Bata ka pa naman at naway magkaroon ka pa ng mataas na panahon na makapaglingkod sa NBI at kailangan ng bayan ang taong katulad mo,” pahayag pa ni Quiboloy.

Bukod pa sa P11 billion na shabu operations, ilan pa sa mga major accomplishments ng Distor administration sa NBI ay ang pagresolba sa Diego La Fuente slay case, isang Spanish national na pinatay sa Siargao; ang Corporal Winston Ragos case; Jolo-Sulu case kung saan ay apat na Army Intelligence ang pinatay ng mga pulis; pagkamatay ng mga high-profile inmates sa Bureau of Corrections; at ang kontrobersiyal na “Pastillas” case kung saan ay 18 miyembro at opisyales ng Bureau of Immigration ang sinibak sa puwesto ng Department of Justice.

Pati na rin ang pagsugpo sa mga Chinese Macau-style kidnapping case; Justice Normandie Pizarro case; pag-aresto kay Fausto Edgar Peralta na suspect sa pagpatay kay Atty. Luis Wee; ang Christine Dacera case; Credit Card Heist; PNP-PDEA shootout sa Quezon City; Bloody Sunday killing case sa mga aktibista sa Calabarzon; Calbayog Mayor Ronaldo Aquino case; Bohol Chocolate Money Scam; Bank Hacking and International Credit Card Syndicate; missing sabungeros; Catherine Lee Murder case; Tagum Gold Rigen Money Scam; human trafficking and anti-terrorism cases at marami pang iba.