QUIBOLOY NAGDALA NG BARIL KAY DIGONG, SARA
Senate testimony ng ex-KJC miyembro:
“NAPAPANAHON na upang humarap siya at magsalita ng katotohanan.”
Ito ang hamon ni Sen. Risa Hontiveros kay Kingdom of Jesus Christ (KJC) founder at leader na si Pastor Apollo Carreon Quiboloy.
Iginiit ni Hontiveros na ito na ang tamang oras para lumabas at liwanagin ni Quiboloy ang mga alegasyong ipinupukol laban sa kanya ng iba’t ibang tao kung saan ay isinama pa sa testimonya ang pangalan ng kanyang tinuturing na matalik na kaibigan na si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte at ang anak nitong is Vice President Sara Duterte.
“Yes, the subpoena against Quiboloy is out. Nailabas na ang subpoena laban kay Pastor Quiboloy, ang lider ng KOJC. ” pagtitiyak ni Hontiveros na siyang chairman ng Senate Committee on Women, Children, Family relations and gender equality.
Sa gitn nang pagdinig, isang alyas Rene, na isa sa mga bagong testigo ang naglahad ng kanyang nalalaman at mga pinagdaaanan sa ilalim ng KOJC.
Ipinagtapat ni Rene na minsan na rin siyang naging landscaper sa Glory Mountain compound ni Pastor Quiboloy, ang lugar na pinagdadausan na araw araw na pagdarasal umano ng huli na malapit sa Mt. Apo ng Davao.
Sinabi ni ‘Rene’ na personal niyang nakita si dating Pangulong Duterte, na kilalang matalik na kaibigan ni Quiboloy, na isa sa mga bumibisita sa kanya sa Glory Mountain gayundin ang kanyang anak na si VP Sara.
Sinabi niyang nakita mismo ng kanyang mata na dala ni Quiboloy ang isang malaking bag na punong puno ng iba’t ibang baril.
Ayon pa kay ‘Rene,’ naibaba ng pastor pagkagaling sa chopper ang bag ng baril nito kung saan ay hinilera pa aniya sa nakatayong tent ang mga naturang armas.
Ipinanganak sa Tacloban City, si Alyas Rene ay nagsabing nakita rin niya na dinala na ni Duterte ang bag pagkaalis nito mula sa Glory Mountain.
Si Quiboloy na patuloy sa pagiging “no show” sa Senado ay kumpirmadong nasa Pilipinas pa, ayon sa isang opisyales ng Bureau of Immigration na kinumpirma rin sa gitna ng pagdinig.
Nauna rito ay hinamon ni Atty. Ferdinand Topacio si Hontiveros na magharap ng kaukulang kaso laban sa kanyang kliyente sa tamang korte upang pormal silang makasagot at pormal din magkaroon ng tamang imbestigasyon sa naturang isyu ng umanoy iba’t ibang krimen na ikinakabit laban kay Quiboloy.
Gayundin, sinabi din ni Atty. Topacio na hindi makatuwiran ang hinihingi ni Hontiveros sa Department of Justice na mag isyu ito ng Immigration Lookout Bulleting Order (ILBO) laban kay Pastor Quiboloy. Sa kasalukuyan ay hindi pa nakatatanggap ang DOJ ng anumang liham mula sa komite ni Hontiveros para sa ILBO ni Quiboloy.