Quad Comm: Pulis na sinasabit sa pagdedo ng 3 Tsino arestuhin
IPINAG-UTOS ng Quad Committee ng Kamara de Representantes ngayong Huwebes ang pag-aresto kay Police Master Sergeant Arthur “Art” Narsolis, na isinasangkot sa pagpatay ng tatlong Tsino na pinaghihinalaang drug lord sa loob ng Davao Prison and Penal Farm (DPPF) noong 2016, na sinasabing ipinag-utos ng dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Inakusahan din ni Tan si dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Royina Garma, na noo’y nasa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng Davao, na sangkot din sa pagpatay.
Tinuro niya si Garma bilang isa sa mga ‘boss’ ni Narsolis at sinabi pang may relasyon ang dalawa.
Ipina-contempt ng komite si Narsolis dahil sa paulit-ulit na hindi pagdalo sa pagdinig ng komite na nag-iimbestiga sa extrajudicial killings sa implementasyon ng madugong war on drugs ng administrasyong Duterte.
Ipinag-utos ng pinagsanib na komite, sa pangunguna ni Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers, na madetine si Narsolis hanggang sa matapos ang imbestigasyon bago alisin ang kanyang contempt order.
Mismong si Surigao del Sur 2nd District Rep. Johnny Pimentel, ang nagmosyon para ipa-contempt si Narsolis dahil sa paglabag sa Section 11(a) ng House Rules of Procedure Governing Inquiries in Aid of Legislation.
Sumentro ang imbestigasyon sa pag-amin ng mga inmate na sina Leopoldo Tan Jr. at Fernando Magdadaro, na sinabing sila ang pumatay sa tatlong Chinese national.
Noong panahong iyon ay kakasimula pa lang ng kontrobersyal na kampanya kontra iligal na droga ng nakaraang administrasyon.
Kinilala ang mga biktima bilang sina Chu Kin Tung (aka Tony Lim), Li Lan Yan (aka Jackson Li), at Wong Meng Pin (aka Wang Ming Ping), na nagsisilbi ng sintensya dahil sa paglabag sa batas sa iligal na droga kasama na ang oeprasyon ng laboratoryo ng droga sa Parañaque City.
Sa mga sinumpaang salaysay, sinabi ni Tan na binisita siya ni Narsolis na kanyang klase sa pagpupulis noong Hulyo 16 para patayin ang tatlong Chinese inmates at sinabing may basbas ito mula sa mataas na mga opisyal.
Tinukoy pa nila na sinabi ni Narsolis na ang pabuya ay “isang manok kada ulo” o P1 milyon kada Chinese.
Ani Tan, inutusan siya ni Narsolis na humanap ng makakatuwang kaya niya kinuha si Magdadaro.
Kapwa sila inilipat sa kaparehang selda ng target na mga Chines bago gawin umano ang pagpatay noong Agosto 13, 2016.