Medina

QCPD siniguro ligtas na Semana Santa

April 12, 2022 Melnie Ragasa-limena 162 views

INANUNSYO ni Quezon City Police District (QCPD) Director, PBGEN Remus B Medina, na pinaigting na ng QCPD ang seguridad nito para sa ligtas na paggunita ng Semana Santa 2022.

Ayon kay Medina magpapakalat ng mahigit kumulang dalawang libo at dalawang daang mga pulis kasama ang Force Multipliers upang siguraduhing magiging maayos at ligtas ang paggunita ng Semana Santa.

“Asahan natin ang pagdagsa ng mga tao sa mga terminal ng bus at tren, simbahan at mall, kung kaya kami ay maglalagay ng Police Assistance Desks (PADs) sa mga nasabing lugar para umalalay sa mga tao at mabilis na makapagresponde sa mga pagkakataong kakailanganin ang tulong ng kapulisan”, tugon ni PBGEN Medina.

Paiigtingin din namin ang police visibility at pagpapatrulya upang matiyak ang seguridad ng publiko gayundin ang pagpapatupad ng health safety protocols laban sa COVID-19.

Pinapaalalahanan din natin ang publiko na maging maingat upang maiwasang maging biktima ng pananamantala ng mga kawatan.

Narito ang mga dapat tandaan o safety tips upang mapanatiling ligtas tayo sa darating na Semana Santa. Iwasan ang pagpost sa social media tungkol sa inyong kinaroroonan; itagubilin sa pinagkakatiwalaang kamag-anak o kapitbahay ang inyong bahay kung kayo ay lilisan; tandaan ang mga hotline numbers ng opisina ng barangay at istasyon ng pulis; at higit sa lahat, maging alerto sa lahat ng oras.

“Bagama’t handa po ang QCPD sa pagtugon sa anumang pangyayari, hinihiling po namin ang inyong kooperasyon at hinihimok ko na manatiling mapagmatyag at iulat sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya at iba pang sangay ng gobyerno ang anumang kahina-hinalang aktibidad sa inyong lugar para mabigyan ng agarang aksyon,” dagdag pa niya.