QCPD

QCPD exec sibak, nahaharap sa kaso dahil sa hit-and-run

August 16, 2022 Melnie Ragasa-limena 119 views

SINIBAK sa puwesto at sinampahan ng kasong kriminal ang isang opisyal ng Quezon City Police District (QCPD) matapos na masangkot ang kanyang sasakyan sa hit-and-run sa Quezon City kamakailan na ikinasawi ng isang tricycle driver at ikinasugat ng pasahero nito.

Sa inilabas na pahayag nitong Lunes ng bagong QCPD Director na si PBGEN Nicolas D Torre III, ni-relieve na sa puwesto si PLt. Col. Mark Julio Abong bilang hepe ng QCPD-Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU).

Siya ay inilipat sa District Personnel Holding ang Accounting Section (DPHAS) habang iniimbestigahan pa kanyang kaso. Papalitan naman siya ni PMAJ Sheryl Bautista na magsisilbing Officer-In-Charge (OIC) ng CIDU.

Ayon sa QCPD, aminado si Abong na siya ang nagma-may-ari ng itim na Ford Ranger na may plakang NCG-8456, na nasangkot sa naturang hit-and-run incident.

Gayunman, mariing pinabulaanan ni Abong na siya ang nagmamaneho ng sasakyan nang maganap ang insidente.

Itinuro rin ni Abong ang isang Ronald Centino, na siyang nagmamantine ng kanyang sasakyan, na gumamit umano ng behikulo nang wala niyang pahintulot.

Gayunman, sinampahan pa rin naman umano ng QCPD ng kasong reckless imprudence resulting in homicide, physical injury, at damage to property sina Centino at Abong sa piskalya.

Sinabi pa ng QCPD na si Abong ay mahaharap rin sa kasong administratibo sakaling mapatunayang may kinalaman siya sa naturang insidente.

“Sa ngayon ay nasampahan na ng kaukulang kaso ang mga taong responsable sa pangyayari. Sisiguraduhin natin na ang ating awtoridad ay hindi kailanman magiging instrumento ng anumang uri ng pang-aabuso. Kung mapapatunayan na may pagkakasala ang ating opisyal na sangkot sa insidente, kailangan niyang harapin ang akusasyon laban sa kanya at ang karampatang parusa para rito,” ayon sa heneral.

Tiniyak rin nito na patuloy silang magsasagawa ng imbestigasyon hinggil sa pangyayari.

Matatandaang Agosto 6 nang maganap ang insidente sa Anonas St., kanto ng Pajo St., sa Brgy. Quirino 2A, na ikinamatay ng driver na si Joel Laroa, 54, ng 28 Interior 1 V, Gonzales St., Krus na Ligas, Quezon City at ikinasugat ng pasaherong si Rozelle Morales, 27, Customer Service Associates, at naninirahan sa Antipolo City.

Kapwa binabagtas ng dalawang sasakyan ang naturang lugar nang mabangga ng pick-up ang hulihang bahagi ng tricycle sanhi upang tumumba ang tricycle at naipit ang mga biktima.

Pero sa halip na tulungan umano ang mga biktima, humarurot papatakas ang pick-up.

Nakuhanan naman ng CCTV ang pangyayari at natukoy ang plaka ng sasakyang sangkot dito.

Sa beripikasyon ng District Traffic Enforcement Unit Traffic Sector Unit 3 sa Land Transportation Office ay natuklasang nakarehistro ang sasakyan kay Abong.

Nabatid na sa isang panayam kay Vilma Laroa, misis ng tricyle driver na kung agad lamang na tinulungan ang kaniyang asawa at dinala sa ospital ay buhay pa sana ito ngayon.