Torre

QCPD anti-crime ops ‘tagumpay’ para sa ligtas na Undas 2022

October 31, 2022 Melnie Ragasa-limena 195 views

INIHAYAG nitong Lunes ni Quezon City Police District (QCPD) Director P/Brig. Gen. Nicolas Torre III na umaabot sa kabuuang 79 illegal drug suspects, 72 wanted persons, 95 illegal gamblers ang inaresto habang 8,184 kataong lumabag sa city ordinances ang sinita, sa isinagawa nilang weeklong anti-illegal drugs at anti-criminality operations sa lungsod mula Oktubre 24 hanggang 30, 2022.

Ayon kay Torre, kabuuang 37 anti-drug operations ang kanilang naisagawa na nagresulta sa pagkakaaresto ng 79 drug suspects at pagkakumpiska ng kabuuang 79.47 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P540,396 at 50.30 gramo ng marijuana na nagkakahalaga naman ng P6,036.

Ang mga operasyon naman laban sa wanted persons ay nagresulta sa pagkaaresto sa 72 katao, kung saan 32 sa mga ito ang itinuturing na “most wanted persons” (MWPs) at 40 naman ang wanted persons.

Sa operasyon naman laban sa illegal gambling, nakapagsagawa ang QCPD ng 30 operasyon na nagresulta sa pagkakadakip sa may 95 sugarol at pagkakumpiska ng P17,275 bet money.

Samantala, nasa kabuuang 8,184 violators ng city ordinances ang sinita ng mga pulis, kabilang dito ang 6,583 na binigyan lamang ng warning habang 1,601 ang pinagmulta.

Kaugnay nito, pinuri ni Torre ang kanyang mga tauhan dahil sa walang tigil na pagpapatupad ng anti-illegal drug at anti-criminality operations ng QCPD na nagresulta sa naturang notable accomplishment.

“Asahan po ng publiko na magiging masigasig ang kapulisan ng Kyusi sa pagpapatupad ng operasyon laban sa kriminalidad, ito ay bilang paghahanda upang matiyak na ligtas ang ating mamamayan sa kanilang paggunita ng Undas,” dagdag pa ng QCPD chief.