QC umaarangkada sa pagbabakuna
HUMAGIBIS sa bilis ang vaccination program ng Quezon City sa pangunguna ni Mayor Joy Belmonte.
Nakakatuwang makita ang agresibong pagkilos ng lokal na pamahalaan sa pagbabakuna ng kanyang mahigit isang milyong mamamayan. Sa ngayon, full swing ang vax ops ni Mayor Joy katulong ang ating bff na si Margie Santos na hepe rin ng BPLD ng lungsod.
Bukod sa mga ginagamit na public school, ang Quezon City rin ang nanguna sa pag-convert sa mga malls bilang vax center, partikular ang Skydome sa SM North. Marami na ring mga pribadong sektor ang katuwang ng city government para mas mapabilis ang pagbabakuna sa ating mga kababayan.
Nitong isang linggo, ang mismong pamunuan ng Araneta Coliseum ang naging partner ng city government para sa pagbubukas ng biggest at grandest vaccination center sa bansa. Tinanong natin si Margie kung ano ang arrangement ng Araneta at ng pamahalaang lokal.
Nalaman natin kay Margie na libre palang pinagamit ng pamilya ni former Secretary Mar Roxas ang kanilang Araneta Coliseum. Sakto naman pala noong araw na ipagamit ang Araneta (May 13), birthday din pala ni Sec. Mar kaya binati ko siya sa kanyang kaarawan.
Sa totoo lang, si Mar ay kaibigan natin kahit madalas ay magkahiwalay kami sa pulitika. Marami ang hindi nakakakilala nang personal kay Mar pero tayo ay up close and personal, kakilala natin siya. By heart, mabuting tao si Mar.
Natatandaan ko mga three or four years ago ay nag-dinner kami sa opisina ng common friend namin. Makulit din si Sec. Mar at mababaw ang kaligayahan kaya magkasundo naman kami. Sabi ko sa kanya, yan ang karakter mong hindi alam ng publiko na natural na magiliw at makulit din. Nanghihinayang tayo kay Mar kasi isa siya sa nagpabago ng buhay ng maraming Pilipino sa pamamagitan ng BPO industry na siya ang lumikha. Nasa milyun-miyong empleyado ang nakinabang sa call center industry dahil kay Mar. Talagang napasama lang sa mga inutil noon kaya nadamay, pero propesyunal siya at maayos ang kanyang management style.
Anyways, happy birthday ulit Sec. Mar at salamat sa pamilya Roxas sa pagpapagamit ng Araneta Coliseum para maging vax center ng lungsod.
Congratulations din sa QC government sa kanilang doble at tripleng kayod para maabot ang herd immunity ng lungsod!
***
Maging ang Taguig City ay sobrang galing ng vax program nila.
Kunsabagay, si Mayor Lino Cayetano rin naman kasi ay may kakaibang management style. Sila Mayor Lino naman ang kauna-unang local government ang nagpasimula ng drive thru COVID testing noong mga unang buwan pa lang ng pandemic.
Ang Taguig din ang mayroong pinakaunang at may magandang isolation at quarantine facilities.
Hindi lang kasi mahilig sa propaganda si Mayor Lino pero sa totoo lang, maraming magagandang programa ang city magmula pa sa panahon ni dating mayor at ngayon at Congresswoman Lani Cayetano kaya nga nakaungos ang Taguig sa pagiging business center at naunahan ang maraming lugar sa Metro Manila.