PS-7

QC school may ‘bomb threat’ din

January 26, 2023 Melnie Ragasa-limena 354 views

ISA na namang paaralan sa Quezon City ang nakatanggap ng ‘bomb threat’ nitong Huwebes ng umaga.

Sa report ng Quezon City Police District (QCPD) Cubao Police Station (PS) 7, bandang 4:30 ng madaling araw nang makatanggap ng bomb threat ang Ponciano Bernardo High School na matatagpuan sa P. Bernardo St., malapit sa kanto ng P. Tuazon Blvd., Barangay Kaunlaran, Cubao, QC.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni PSSgt. Lemuel Escleto, ang nasabing bomb threat ay natanggap ng isang teacher ng Ponciano Bernardo High School, at residente ng Sta. Lucia, Novaliches sa lungsod.

Naghahanda na umano sa pagpasok sa paaralan ang guro nang makatanggap ng message sa kaniyang Facebook Page mula sa isang “Bob Key Ser Panganiban” at sinabing may itinanim diumano siyang “bomba” sa nasabing eskwelahan.

“May tinanim ako na bomba sa elementary, sasama tayong mauubos,” batay sa mensahe na natanggap ng guro.

Dahil dito ipinadala ng guro ang mensahe sa kanilang head na agad namang inimpormahan ang kanilang school principal.

Agad ipinagbigay alam sa mga operatiba ng Cubao Police Station 10 ang inisidente at nang siyasatin ang kabuuan nang paaralan ay wala namang nakitang anumang sinasabing papampasabog na itinanim sa loob ng gusali.

Sa loob lamang ng isang linggo, ito na ang ikatlong paaralan na binulabog ng bomb threat.

Unang nakatanggap ng bomb threat ang New Era Elementary School at isinunod ang San Francisco High School, sa Misamis St., Barangay Sto. Cristo, Bago Bantay, sa lungsod.