QC dad isinusulong libreng bgy-based testing vs Omicron

January 17, 2022 Zaida I. Delos Reyes 175 views

UPANG labanan ang paglaganap ng COVID-19 Omicron variant, isinusulong ni Quezon City District 5 Councilor PM Vargas ang pagkakaroon ng libreng barangay -based testing sa kanilang lugar.

Kaisa si Vargas kina QC Mayor Joy Belmonte at QC Epidemiology and Surveilance Unit sa pagpapatupad ng libreng antigen testing sa mga residente ng District V upang mapangalagaan ang bawat komunidad sa nakahahawang variant ng Covid 19.

“Dapat po nating tugunan agad ang takot at agam-agam ng ating mga kababayan para maprotektahan nila ang kanilang pamilya sa mas nakahahawang virus na ito. Kung sila man ay exposed o nagsimulang magkaroon ng sintomas, mainam na makakapunta sila sa kanilang barangay para kumuha ng libreng antigen test,”pahayag ni Vargas.

Naniniwala ang konsehal na ang agarang pagpapasuri ay isang daan upang maiwasan ang impeksyon lalupat ngayon ay may nagaganap na community transmission sa Metro Manila batay sa ulat ng Department of Health (DOH).

Ang pagpapasuri anya ay hindi accessible at hindi nakakayanan ng marami ang gastos dito na umaabot sa P 700 hanggang P1,000.

Sa tala, una nang nabigyan ng libreng antigen testing ang may 500 residente mula sa Fairview, North Fairview, at Sta. Lucia .

Agad naman dinadala sa quarantine facilities sa tulong ng CESU at Barangay Health Emergency Response Teams (BHERT) ang mga nasusuring positibo sa COVID-19.

“Sa pamamagitan po nito, malalaman at maabot natin ang may kailangan ng tulong. Mabibigyang lunas natin ang mga may sakit. Mapaglalaanan natin ng suporta ang mga kailangang mag-quarantine,” paliwanag ni Vargas.

Upang magkaroon ng libreng serbisyo, ang residente ay kailangang magpunta sa Greater Fairview Barangay Hall ngayong martes, January 18 2022 mula alas 9 ng umaga hanggang alas 11 ng umaga , alas 11 ng umaga hanggang ala 1 ng umaga sa mga taga North Fairview at ala 1 ng hapon hanggang alas 3 ng hapon ang mga taga Sta. Lucia .

Kailangan lamang na magdala ng sariling ballpen, isang valid ID, at vaccination card at sagutan ng kumpleto ang form na ibibgay sa venue.

Sa mga may dagdag na tanong ay maaaring makipag ugnayan sa BHERT officers: Jane Sababan sa Fairview (09204321831); Steph Baldevieso sa North Fairview (09369004574); at Manuel Galvez sa Sta. Lucia (09190755109).

Bukod sa free testing, patuloy din si Councilor Vargas sa vaccination rollouts sa District V bilang Chairman ng Philippine Red Cross Quezon City Chapter – Novaliches Branch. Noong 2021 lamang ay may mahigit 35,000 katao ang nabakunahan sa ilalim ng kanyang programa.

“Sa pakikipagtulungan po natin sa lokal na pamahalaan ng Quezon City, ng Red Cross, at ng bribadong sektor, iigting pa ang ating pagsisikap na maprotektahan ang mga kababayan natin sa District V,” dagdag ni Vargas.