‘Puwede’ rin si Alan Peter Cayetano

September 20, 2021 Paul M. Gutierrez 285 views

PaulHABANG papalapit ang filing ng certificate of candidacy ng mga kakandidato sa nasyunal at lokal na posisyon para sa halalan 2022, hindi na rin tumigil ang bangayan at patutsadahan ng mga kakandidato lalo na sa panguluhan.

At hindi natin masisisi ang ating mga kababayan na maghanap ng alternatibong mamumuno sa ating bansa.

Ang nangyayari kasi ngayon imbes na pagplanuhan at pag-isipan ang kapakanan ng taong bayan, kaliwa’t kanan ang mga black propaganda na nagsasalimbayan ngayon laban sa bawat kampo ng mga kandidato. Kaya naman umaksyon na ang daan-daang pastor at kanilang mga simbahan sa pag-eendorso ng kandidato bilang pangulo ng bansa.

Kung iniisip naman ni Sen. Manny Pacquiao– na pormal nang nagdeklara ng kanyang kandidatura noong Linggo—na “siya” ang “napipisil” ng sektor ng relihiyon dahil “nagbalik-loob” na siya sa Panginoon, eh, tila sablay ang kalkulasyon na ito ng kanyang kampo.

Dangan kasi, nalaman na may 600 pastors at religious leaders, kasama na ang kanilang higit 1,500 miyembro mula sa may 562 simbahan sa buong bansa, ang nagpadala ng sulat kay dating House Speaker, dating senador at dating DFA secretary, Alan Peter Cayetano, upang hikayatin siya na tumakbong presidente!

Inaasahang dadami pa ang mga pastor na lalagda sa naturang sulat dahil patuloy pa nila itong pinaiikot upang kumalap ng suporta mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Ayon sa kanila, si Cayetano ang nakikitaan nila ng kakayahan na akayin ang taong bayan sa pananampalataya.

Kailangan anila ng isang lider na magbibigay ng liwanag at pag-asa sa gitna ng dilim lalo na ngayong panahon ng pandemya.

Inihalimbawa ng mga pastor ang patuloy na pamimigay ni Cayetano ng P10K ayuda upang maiahon sa kanilang sitwasyon ang ating mga kababayang iginupo ng pandemya.

Dagdag pa rito ang inilunsad ni Cayetano na tulong-puhunan sa mga sari-sari stores na naapektuhan din ng pandemya.

Hindi naman kasi tumigil si Cong. Alan sa kanyang pagtulong kahit sa kasagsagan ng ECQ at iba pang paghihigpit sa kilos ng mga tao.

Ayon naman sa mga miron, Romblon incoming congressman, Joey Venancio, “swak” ang suportang ito ng mga pastor at iba’t ibang simbahan dahil kamakailan lang ay sinabi ni Cayetano na nais nyang magpatupad ng faith based at bible centered na pamunuan.

Seryoso nyang kinikonsidera ang pagtakbo bilang pangulo kasabay ng ginagawa nyang konsultasyon sa kanyang pamilya at mga taga-suporta sa buong bansa. Lalo na ngayong laganap ang bisyo, sugal, krimen at korapsyon.

Iginiit pa ng mga pastor sa kanilang sulat kay Cayetano na higit pa sa husay at talino, kailangan natin ng isang lider na may puso at malasakit sa kapwa at handang harapin ang mga pagsubok ng may pang-unawa at pagmamahal.

Kaya naniniwala ang mga pastor na si Cayetano ang hinahanap na lider ngayon ng bansa.

Siniguro din ng mga pastor at religious leader ang kanilang suporta sa mga adbokasiya ni Cayetano na patuloy na tulungan ang ating mga kababayan.

Sa ngayon, mahigit sampung libo na ang naabutan ng tulong ni Cayetano at ng kanyang mga kaalyadong kongresista ng 10K ayuda samantalang mahigit na dalawang libong sari-sari store na din mula sa iba’t ibang panig ng ‘Pinas ang kanilang naabutan ng dagdag na puhunan.

Kaya malaking hamon ito sa ating mga kababayan lalo na ang mga botante dahil ngayong panahon ng pandemya marahil ay kailangang ikonsidera na faith-based naman ang pundasyon ng pamunuan sa bansa.

Tama ba, Boss Joey V?

AUTHOR PROFILE