Puwede nang mag-party sa December!

October 14, 2021 Marlon Purification 278 views

Marlon PurificationMARAMI tiyak ang excited dito!

Kung tama ang gagawing pagtaya ng OCTA Research Group, maaari nang mag-Christmas party ang ating mga kababayan.

Ito’y kung patuloy na baba ang bilang ng COVID-19 cases sa bansa.

Ani Dr. Guido David, miyembro ng OCTA, ang party ngayong Kapaskupan ay posible, ngunit para lamang ito sa mga bakunado nating kababayan.

Kung hindi bakunado, hindi pa sila dapat makipagsaya dahil malaki pa rin ang posibilidad na tamaan sila ng COVID-19.

“In places na vaccinated ‘yung attendees, kunwari sa office Christmas party na everyone’s vaccinated na, we can probably have a big Christmas party because the risk right now seems low,” ani David.

Sa panig ng Department of Health (DOH), hindi pa rin sila kumbinsido rito dahil ang panganib na dulot ng coronavirus ay patuloy pa ring nakaaba sa lahat.

Sinabi ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire na kailangan pa ring ipatupad nang husto ang ‘minium health protocols’ partikular ang pag-iwas sa matataong lugar at pagiging magkakadikit.

Hindi rin pabor dito ang Private Hospitals Association of the Philippines (PHAPi) dahil para kay Dr. Jose de Grano, malaking banta pa rin sa kalusugan kung makita ang lahat na magkakadikit sa isang napakahalagang okasyon.

Tama ang DOH at PHAPi rito. Nag-aalala lamang sila na posibleng bumalik uli ang pagsirit paitaas ang bilang ng mga nagkakasakit ng COVID-19.

Pero ang hindi maaalis sa ating mga kababayan na manabik sa isang salu-salo kasama ng ating pamilya, kaibigan at mga mahal sa buhay.

Masyadong matagal na ang laban sa pandemya. Iyong ibang bansa ay nagbubukas at bumabalik normal na kaya sana nga ay maging okay na tayo rito sa Pilipinas.

Sana lang, mabakunahan na ang lahat at iyong mga makikitid ang utak na ayaw pa rin magpabakuna ay malinawan na rin para na rin magkaroon na tayo ng tinatawag na Better Normal at hindi basta New Normal lamang.