Puwede ba talagang kumandidato si Presidente Duterte bilang VP?

July 12, 2021 Allan L. Encarnacion 366 views

Allan EncarnacionUMAANGAL ngayon ang mga framer ng 1987 Consitution dahil sa planong pagtakbong bise-presidente ni Pangulong Duterte sa 2022.

Naalala ko tuloy iyong kapitbahay namin na panay ang reklamo kasi kumuha ng mga patakbuhing karpintero kaya iyong bubungan at kisame niya ay tumutulo sa tuwing umuulan. Kahit anong ngitngit niya, wala na siyang magawa kung hindi magsahod ng timba sa sahig para sa tulo sa tuwing umuulan.

Nang payuhan siya na ipagawa ang bubong, umaangal din kasi magastos daw at baka marami pang makitang sira.

Ganoon din ang humulma ng ating Saligang Batas. Sa tuwing magtatangka ang sinumang administrasyon na amyendahan at baguhin ang mga probisyon, silang mga gumawa rin ang unang nagrereklamo!

Kapag ginalaw daw ang isang probisyon sa 1987 Cory Constitution, wala na raw makakapigil sa pagbabago ng lahat ng laman nito.

Ngayon, babalik na naman tayo sa “original sin” ng mga Constitutional framers dahil may mga kuwestiyon sa isyu ng pagtakbo ni Digong sa pagka-bise presidente.

Nakasaad sa Article 7 Section 4 ng Philippine Constitution ang ganitong kataga: The President and the Vice-President shall be elected by direct vote of the people for a term of six years which shall begin at noon on the thirtieth day of June next following the day of the election and shall end at noon of the same date six years thereafter. The President shall not be eligible for any reelection.

Malinaw pa sa tagay ng gin at kalamansi ng aming kapitbahay na ang sinabi lang sa Saligang Batas ay bawal magreeleksiyon ang Pangulo. Ibig sabihin, kapag naging Presidente ka na, bawal ka nang kumandidato ulit na Presidente.

Sa last line, sinabi ng isinulat nila “The President shall not be eligible for any reelection.” Attention, Atty. Christian Monsod, bakit kasi hindi nyo pa isinulat noong 1987 ang katagang “shall not be eligible to/for any elective position?”

Kung inilagay nyo lang ito, ang sinumang magiging Pangulo ay magreretiro na sa pulitika after ng Presidency kahit pa kasing bata pa siya ni Justin Trudeau ng Canada sa edad na 49!

Dahil hindi nyo isinulat na bawal sa anumang eleksiyon ang nakapagsilbi nang Presidenrte, ergo, wala ring nagbawal kay former Gloria Arroyo na maging kongresista ng Pampanga, wala ring nagbawal kay former President Erap na maging alkalde ng Maynila! Bakit ngayon ay pinagbabawalan n’yo si Duterte na kumandidatong bise-presidente?

Ang tanong, bakit si former President Ramos ay hindi kumandidato after ng Presidency? Ang sagot, personal decision yun na dapat irespeto. Ibig sabihin, personal decision din ni Duterte ang pagkandidatong bise-presidente na dapat ding irespeto.

Kaya nga ang dating sa akin ng pagharang ni Atty. Monsod sa vice-presidency bid ni Duterte ay diskriminasyon at maliwanag na kapritso lamang!

Kung gusto nyo talagang mailagay ang lahat ng probisyon na kailangan natin sa present time, aba’y magsitahimik kayong mga framers ng 1987 Constitution kapag isinusulong ang Charter change! Ang tingin nyo kasi sa Cory Constitution ay bato ni Moses na sinulatan ng kidlat ng sampung utos na bawal baguhin!

Ito pa ang isang importanteng tanong, bakit sa probisyon ng bise-presidente, malinaw ang inyong pagkakasulat? Sa parehong section, nakalagay ang ganitong kataga “no Vice-President shall serve for more than two consecutive terms.” Di ba ang malinaw, puwedeng ma-reeleksiyon si Vice President Leni para sa kanyang second term pero bawal na siya sa pangatlong term kapag nanalo ulit siya para sa ikalawang termino.

Pero puwede ko rin itong butasan dahil inilagay nyo “”no vice president shall serve for more than two consecutive terms.” Kasi ang ibig sabihin nito, after ng two consecutive terms, magpapahinga lang ng anim na taon, puwede na ulit kumandidatong bise-presidente ang naging vice-president na ng dalawang ulit.

Ang problema sa inyo Atty. Monsod, gusto nyong igiit ang “wisdom and intent” ng pagkakasulat nyo ng probisyon para sa “no reelection for the President” pero hindi naman nababasa kahit sa hangin ang “wisdom and intent”

Ito lang ang maliwanag para sa akin, lahat ng hindi nakasulat sa 1987 Constitution,, puwedeng mangyari, period!

allanpunglo@gmail.com