Default Thumbnail

Puslit na ‘watercraft,’ timbog!

October 6, 2021 People's Tonight 447 views

Vic ReyesANG lalakas naman ng loob ng ismagler na ito.

Biruin niyo ba naman, isinakay pa sa isang malaking barko ang puslit na motor vessel at dinala pa sa Manila.

Lahat ng mga ismagler, itinatago ang mga kontrabandong ipinararating sa bansa.

Kung saan-saan isinisiksik para lang hindi makita ng mga taga-Bureau of Customs.

Kung sabagay hindi naman talaga matatakpan dahil sa laki ng watercraft.

Malakas lang talaga ang loob na iparating pa sa Port of Manila ang kontrabando.

Ang siste, kumpiskado ang ipinuslit na sasakyang dagat.

Sinubukan pang itakas ang watercraft.

Mabuti na lang at nandiyan ang bagong biling fast patrol boat ng BoC.

Sa direktiba ni BoC Chief Rey Guerrero, lulan ng fast patrol boat, natunton ng mga taga-BoC ang patakas na sasakyang dagat.

Ang mga humabol sa puslit na watercraft ay mga miembro ng Enforcement Security Service-PoM, BoC Quick Reaction Team at Water Patrol Division.

Nauna rito, nakatanggap ng intelligence report kaugnay ng tangkang pagpupuslit.

Akala siguro ng mga loko, natutulog ang mga taga-BoC.

Tsk tsk tsk….

****

Alam natin na maraming nahihirapan ngayong panahon ng pandemya.

Pero meron din namang mga nakikinabang.

Ito ang mga ambulant vendor na nagbahay-bahay sa mga barangay.

Natural lang na gumanda ang negosyong ito sa maraming lugar ng bansa dahil sa mga restriction at takot ng tao na mahawa sa nakakamatay na COVID-l9.

Maraming mamimili ang ayaw ng pumunta sa mga pamilihang bayan.

Isa pa, maraming ayaw mamili sa mga pamilihang bayan dahil sa taas ng pamasahe.

Hindi rin natin masisisi ang mga mga tricycle drayber dahil isa lang ang puwede nilang isakay batay sa pagsunod sa social distancing.

Kaya sa mga ambulant vendor na lang bumibili ang maraming tao.

Malayo na nga naman sa sakit, hindi pa mamamasahe ng mataas.

****

Iba-iba ang klase “addiction” sa bansa.

Marami ang namamatay, nagkakasakit at nabubuwang na adik dahil sa droga.

Pero ang “addiction” sa politika ay tanggap naman ng mga Pilipino dahil marami ang nakikinabang.

Ito daw ang “addiction” na nagbibigay ng trabaho at pera sa marami.

Lalo na sa mga mapeperang politiko.

In demand sila kapag panahon ng eleksyon. Madali silang lapitan at hingian ng tulong kapag panahon ng halalan.

Kaya sa tingin ng marami, ang “addiction” sa politika ay nakatutulong kahit papaano sa bayan at taumbayan.

Ang “addiction” na ito ay pwede naman i-promote sa bansa.

Siguruhin lang na ang mga adik sa politika ay matitino, makatao at hindi mandarambong.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #(0969) 037 7083/email:[email protected]. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

AUTHOR PROFILE