Luka

PURA LUKA VEGA PERSONA NON GRATA!

August 10, 2023 Edd Reyes 725 views

NAGKAISANG inaprobahan ng Sangguniang Panlungsod ng Maynila ang resolusyon na nagdedeklara sa Filipino drag artist na si Amadeus Fernando Pagente, lalung kilala bilang si Pura Luka Vega, na “persona non grata.

Nag-ugat ang deklarasyon nang awitin ni Pagente sa ibang paraan ang pang-relihiyong awiting “Ama Namin” sa kanyang pagtatanghal ng sayaw sa isang lokal na bar habang suot ng damit ng Itim na Nazareno. Nag-viral sa social media ang ginawa ni Pagente na umani ng pagbatikos sa mga deboto at lider ng simbahan na nagkondena sa naturang kalapastanganan.

“Ito pong taong ito ay walang habas at di man lang pinag-isipan ang kanyang ginawa. Isang kalapastangan po ang kanyang ginawang palabas. Hindi po dapat itong palagpasin kasi pag pinalagpas natin ito, baka pamarisan po ito. Kailangan na po nating gumawa ng aksyon,” pahayag ni 5th District Councilor Ricardo “Boy” Isip, na siyang pangunahing may akda ng resolusyon sa kanyang pagsasalita sa regular na sesyon noong Martes.

Ipinaliwanag naman ni 5th District Councilor Jaybee Hizon ang kahalagahan ng Itim na Nazareno sa Lungsod ng Maynila kasabay ng pagbibigay-diin na hindi dapat ginagamit ang kalayaan sa pagpapahayag kung ito ay nakakasakit sa damdamin ng mga deboto sa isang relihiyon.

Hindi naman naitago ni 2nd District Councilor Ruben “Dr. J” Buenaventura ang kanyang pagka-inis kay Pagente dahil sa kakulangan ng respeto sa sarili kasabay ng pagsasabing “Kung gusto mong makatanggap ng respeto, respetuhin mo ang sarili mo,”

Marami pang miyembro ng Konseho ang tumayo at nagpahayag ng buong suporta sa resolusyong sinangayunan kaagad ni Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan.

Ang Maynila ang sentro ng taunang Pista ng Itim na Nazareno na kinatatampukan ng Translacion na gumugunita sa paglilipat ng imahe ng Itim na Nazareno mula sa orihinal nitong pinanggalingan patuno sa simbahan ng Quiapo na unang naganap noong Enero 9, 1787.

Ang Maynila rin ang ika-apat na lokal na pamahalaang nag-deklara kay Pagente na persona non grata, kasama ang General Santos City sa South Cotabato at ang Munisipalidad ng Floridablanca sa Pampanga at Taboso sa Negros Occidental.

Bukod sa pagdedeklara ng mga lokal na pamahalaan kay Pagente na persona non grata, nahaharap din siya sa kasong kriminal na isinampa ng Philippines for Jesus Movement na isang koalisyon ng grupong Kristianismo.

AUTHOR PROFILE