PURA LUKA VEGA INARESTO
NAARESTO ng mga Warrant and Intel Operatives ng Manila Police District (MPD) Station 3, sa pangunguna ni PMaj. Billy Ray S. Canagan, ang tinagurian “Drag Queen” na si Amadeus Fernando Pagente, alyas Pura Luka Vega, sa Barangay 339 sa Sta. Cruz, Maynila nitong Miyerkules ng hapon.
Ito’y matapos magsagawa ng manhunt operation at isilbi ang warrant of arrest niya kaugnay sa reklamo ng mga opisyal ng Hijos del Nazareno ng Quiapo.
Ito ay para sa mga kasong immoral doctrines, obscene publications and exhibitions and indecent shows na ipinagbabawal batay sa Article 201 ng Revised Penal Code, as amended in Presidential Decree (PD) 960 and PD 969, in relation to Section 6 of Republic Act 10175, o ang Cybercrime Prevention Act of 2012.
Ang arrest warrant ay inisyu ni Czarina Encarnacion Samonte-Villanueva, ang presiding judge ng Regional Trial Court Branch 36 ng Maynila, na may petsang Oktubre 4, 2023.
Kasalukuyang dinala sa pagamutan si Pura Luka Vega para sa medical nito bilang standard operating procedure ng mga kapulisan bago dalhin sa himpilan ng MPD Station 3.
Inirekomenda ng korte ang piyansang nagkakahalagang P72,000 para sa pansamantalang paglaya ni Pura Luka Vega.