Default Thumbnail

Punerarya sa Tondo kinandado sa paglabag sa sanitary permits

January 26, 2023 Jonjon Reyes 237 views

DAHIL sa paglabag umano sa alituntunin ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila, isang punerarya ang isinara at ikinandado ng mga operatiba ng Manila Police District (MPD) Police Station (PS) 1 sa Tondo, Maynila.

Batay sa ibinabang utos ng Bureau of Permits and License Division ng lungsod, isinagawa ng MPD Raxabago PS 1 ang pagpapasara ng punerarya.

Nagtungo ang mga tauhan ni Police Lieutenant Col. Rosalino Ibay Jr., station commander, at isinara ang funeral chapel na matatagpuan sa panulukan ng Maliklik Extension at Juan Luna Street sa Gagalangin, Tondo.

Nauna rito, nitong nakaraang Disyembre 2, 2022, iniutos ni Andrew Besa, hepe ng Bureau of Permits and License Division ng Manila City Hall, ang closure order ng punerarya dahil lumabag umano ito sa mga ordinansa tulad ng “sanitary regulation” at charges of “Breach of Closure Order.”

Nang magtungo ang mga tauhan ng MPD Station 1, natagpuang patuloy pa rin ang operasyon ng punerarya.

Ayon kay Ibay, bitbit ang bagong closure order, ipinaalam nila sa funeral chapel ang patuloy na paglabag nito sa ipinapatupad na mga batas sa lungsod.

Nabatid sa report na marami na umanong residente sa lugar ang nagrereklamo dahil sa “masansang” na amoy na nanggagaling sa punerarya.

AUTHOR PROFILE