Kulong

Pumatay ng kapwa-parak nag hide-and-seek ng 5 yrs timbog

December 9, 2023 Edd Reyes 573 views

BUMAGSAK sa kamay ng mga pulis ang isang “killer cop” na pumatay sa kanyang kabaro at nagtago ng limang taong nang matimbog noong Biyernes sa Caloocan City.

Ayon kay District Director P/BGen. Rizalito Gapas, dating deputy director ng Special Action Force at deputy director for operations ng Intelligence Group ng Philippine National Police, natimbog ang 46-anyos na si Manolito Manantan dakong alas-2:55 ng hapon.

Natiklo siya ng mga miyembro ng District Special Operations Unit (DSOU), District Investigation and Detection Unit (DID) at mga tauhan ng Northern NCR Maritime Station, Regional Maritime Unit (RMU) sa kanto ng Lourdes at Eliza Sts., Brgy. 27, Caloocan City.

Sinabi ni P/Maj Marvin Villanueva ng DSOU, na namuno sa isinagawang police operation, na natimbog si Manantan sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Caloocan Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Rosalia I Hipolito-Bunagan ng Branch 232 para sa homicide.

Ayon kay Gapas, pumasok sa serbisyo noong 2006 ang akusado at na-assign sa Police Regional Office (PRO)-4A pero nasibak matapos mag-AWOL (absent without official leave).

Batay sa rekord, sinaksak hanggang sa mapatay ni Manantan si PO2 Joel Samonte noong Enero 8, 2018 nang dahil sa pusoy sa Ususan, Brgy. 28.

Nang matalo si Samonte sa sugal, umuwi ito ng bahay nang magkainitan sila ni Manantan.

Bumalik ang biktima na may dalang bag na inakala ng suspek na may lamang baril kaya’t inundayan ng sunod-sunod na saksak ang pulis sa dibdib, leeg at tiyan. Patay agad ang biktima.

Ayon kay Gapas, nakakulong sa detention facility ng NPD ang akusado na may iba pang kinakaharap na asunto.

AUTHOR PROFILE