Acorda

‘Pulis ‘wag hagisan ng pintura sa SONA’

June 6, 2023 Zaida I. Delos Reyes 169 views

NANAWAGAN si Philippine National Police (PNP) chief Police General Benjamin Acorda Jr. sa mga rallyista na iwasang tapunan, hagisan o batuhin ng pintura ang mga pulis na mangangasiwa sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa susunod na buwan.

Bagamat, kinikilala umano ni Acorda na bahagi ng karapatan ng mga nagpo-protesta ang pagpapakita ng kanilang nararamdaman ay nakikiusap siyang huwag naman sanang mambato ng pintura ang mga ito.

“While it is the expression of their rights, may I appeal especially yung pagbabato ng pintura, ako ay nakikiusap na sana huwag naman nating gawin yan,” pakiusap ni Acorda.

Ayon kay Acorda, kaunting respeto lang ang kanilang hinihingi mula sa mga rallyista lalo pa’t napakahirap at napakamahal ng uniporme ng pulis.

“Respeto na lang po sa uniporme ng ating kapulisan. At the same time, ang hirap pong bumili ng uniporme, mahal po ang uniporme,” paliwanag ng opisyal.

Ang ikalawang SONA ni PBBM ay nakatakda sa July 24, 2023.

Sinabi ni Acorda na kikilalanin nila ang permits ng mga magpo-protesta mula sa mga concerned local government units.

Gayunman, magtatalaga parin sila ng mga lugar kung saan sila makapagsagawa ng kani-kanilang programa.

Tiniyak din ni Acorda na suportado nila ang security arrangement na ilalatag at pangungunahan ng National Capital Region Police Office (NCRPO).

Sa ngayon, patuloy pa rin aniya ang kanilang isinasagawang threat assessment sa nalalapit na SONA ng Pangulo.