Pulis-Pasig nahaharap sa patong-patong na kaso

February 19, 2022 Edd Reyes 156 views

SINAMPAHAN na ng kasong carnapping, paglabag sa Omnibus Election Code at R.A. 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act ang isang kagawad ng pulisya at kasama niyang hindi pa tukoy ang pagkakakilanlan sa magkahiwalay na piskalya sa lungsod ng Malabon at Caloocan.

Ang mga kasong isinampa laban kina Jomar Castillo, 32, nakatalaga sa Pasig City Police Station at residente ng Brgy. 27, Caloocan City at sa isang alyas “John Doe” ay batay sa inihaing reklamo ni Nino Joseph Florendo Adriano, 27, ng Mabini St. Malate, Manila kaugnay sa natangay niyang motorsiklo na nagkakahalaga ng P260,000 noong Martes ng alas-11:50 ng gabi, Pebrero 15 habang nakaparada sa kanto ng Gen. Luna at Bernardo Streets, Bgy. Concepcion, Malabon City.

Kaagad na humingi ng tulong si Adriano sa mga tauhan ng Malabon Police Sub-Station 6 kaya’t pinakilos din ni P/Lt. Rommel Adrias, ang hepe ng naturang himpilan ang kanyang mga tauhan para magsagawa ng follow-up operation.

Sa tulong ng mga tauhan ng Tuna Police Sub-Station ng Caloocan Police sa pangunguna ni P/Lt. Gilmer Marinas, nadakip nila si Castillo sa lugar na sakop ng lungsod ng Caloocan at nabawi sa kanya ang tinangay na motorsiklo at isa pang motorsiklo na umano’y ginagamit nila sa ilegal na operasyon habang hinahanap pa ang isa pang kasabwat.

Nang kapkapan ng mga pulis ang kanilang kabaro, nakumpiska ang dala niyang kalibre .45 service firearm na may 10 bala sa magazine at isang plastic sachet na naglalaman ng tinatayang 4.28 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P29,104.

Kaagad na iniutos ni Malabon Police chief P/Col. Albert Barot na dalhin ang suspek sa tanggapan ng Northern Police District (NPD) District Anti-Carnapping Unit (DACU) upang masampahan ng kasong carnapping sa piskalya ng Malabon habang ang kasong iligal na droga at paglabag sa Omnibus Election Code ay inihain naman sa piskalya ng Caloocan.

AUTHOR PROFILE