Pulis nagwala sa QC

May 3, 2022 Melnie Ragasa-limena 161 views

NAHAHARAP sa kasong administratibo at kriminal ang isang pulis matapos na magwala at maghasik ng tensiyon sa mga kapitbahay ng dati niyang kasintahan na kaniyang binabalikan sa Barangay Pasong Tamo, Quezon City, kamakailan.

Ang mga biktima ay nakilalang sina Shaun Anthony Dolor, 43, may asawa, I.T. Practitioner, at Catherine Bojo Mojica, 37, may asawa, housewife, kapwa residente ng No. 43 Diego Silang St., Brgy. Pasong Tamo, Quezon City.

Pinaghahanap pa ang suspek na pulis na nakilalang si PCPL Wesley Hernandez, nasa hustong gulang, at nakatalaga sa Holy Spirit Police Station (PS-14), ng Quezon CIty Police District (QCPD).

Sa naantalang report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng (CIDU-QCPD), naganap ang insidente April 29, sa harapan ng 43 Diego Silang St., Brgy. Pasong Tamo, Quezon City.

Batay sa imbestigasyon ni PSSg Nido B Gevero Jr., ng CIDU, lumilitaw na ang biktimang si Mojica at ang suspek na pulis na magkasintahan sa loob ng dalawang taon ay nagkaroon ng mainitang pagtatalo hanggang sa maghiwalay.

Ayon sa reklamo ni Mojica, nasa loob siya ng kanilang tahanan nang makita niyang lasing na dumating ang dati niyang boyfriend na pulis at ibinato ang suot nitong helmet malapit sa kinaroroonan ng kaniyang kapatid na si Jennelyn habang nagwawala.

Dahil dito ay kinuha ni Mojica ang kaniyang cellular phone at kinunan ng video ang pag-eeskandalo ni Hernadez pero nang makita ang kaniyang ginagawa ay galit na sumigaw ang pulis at nagsabi umano ng, “Uubusin ko kayo, papatayin kita”.

Agad na nagsumbong si Mojica sa kaniyang live-in partner na si Dolor at kinompronta ang pulis pero tinutukan siya ng baril kaya tumakbo umano siya papasok ng kanilang tahanan at isinara ang gate.

Sa labas ng bahay ng mga biktima ay sumigaw pa umano ang suspek ng “papatayin kita” bago tumakas, dahilan upang mahintakutan ang mga residente sa nasabing barangay,

Inihahanda na ang kasong alarm and scandal and grace threats laban sa suspek.