Pulis

Pulis na sugatan pararangalan

June 25, 2024 Edd Reyes 99 views

NAKATAKDANG bigyan ng medalya nina Philippine National Police (PNP) Chief P/Gen. Rommel Marbil at National Capital Region Police Office (NCRPO) Director P/MGen, Jose Melencio Nartatez, Jr. ang pulis na nasugatan ng aarestuhin niyang suspek na nabigong todasin ang kanyang kabaro sa Taguig City.

Tinamaan ng bala sa hita, binti at paa si Pat. Austin Jhon Austria ng Taguig police ng tangkain niyang arestuhin ang riding-in-tandem (RIT) na nagtangkang pumatay sa kanyang kabaro na unang sumita sa dalawa.

Batay sa inilabas na ulat ng tanggapan ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Leon Victor Rosete, sakay ng motorsiklo si P/CMS Bobby Asuncion ng Taguig police patungong Brgy. Pembo nang sitahin niya ang RIT dahil sa kahina-hinalang kilos sa Sampaguita St. noong Linggo ng gabi.

Bumunot ng baril ang naka-angkas at pinaputukan si Asuncion bago mabilis na humarurot patungo sa Brgy. Rizal.

Hindi tinamaan si Asuncion na nakahingi ng tulong kay Austria na noo’y nagpapatrulya kasama si Pat. Estifano.

Umangkas si Pat. Austria sa motorsiklo ni Asuncion at hinabol nila ang suspek hanggang abutan sa Lopez Jaena St. subalit isa pang motorsiklo na sakay ang dalawang lalaki ang biglang sumulpot at pinagbabaril ang bagitong pulis.

Kaagad siyang isinugod ni Asuncion sa Ospital ng Makati bago inilipat sa Saint Luke’s Hospital sa Bonifacio Global City kung saan patuloy na nagpapagaling.

Ayon kay BGen. Rosete, kilala na nila ang apat na nakakalaya pa ring mga suspek nang salakayin nila ang tinutuluyan ng mga ito kung saan nakuha ang ginamit na motorsiklo at mga basyo ng bala ng kalibre .45 at 9mm na baril.

AUTHOR PROFILE