Torre1

Pulis na pumatay sa QC traffic enforcer kakasuhan ng murder

October 14, 2022 Melnie Ragasa-limena 838 views

NAHAHARAP sa kasong murder ang pulis na namaril at nakapatay sa isang traffic enforcer matapos na mapagkamalan na “karnaper” nitong Huwebes ng madaling araw sa lungsod ng Quezon.

“Nai-file na ang kaso sa piskalya kagabi, hinihintay natin ang magiging resolusyon ng piskal. Murder ang kinaso natin doon sa pulis,” pahayag ni QCPD (Quezon City Police District) Director P/Brig. Gen. Nicolas Torre III.

Paliwanag pa ng heneral na wala siyang nakikitang katwiran sa suspek na umano’y pulis-Maynila, para barilin nito ang biktima.

“Wala akong nakitang justification para gamitan ng baril at patayin ‘yung tao o sugatan lang, hindi sumunod sa police operational procedures para sa paggamit ng baril ang suspek,” ayon pa kay Torre.

Ang suspek ay nasa kustodiya ng QCPD at miyembro ng umano ng Manila Police District Anti-Carnapping Unit (MPD-DACU).

Napag-alaman na ang biktimang traffic enforcer ay nagtamo ng tama ng bala sa dibdib at kamay na sanhi ng kanyang kamatayan.

Lumalabas na base na rin sa statement ng suspek na sinundan umano nito ang biktima at kasamahan nito habang tinutulak ang nasirang motor mula Maynila hanggang sa Lungsod Quezon at pagsapit ng EDSA Muñoz market ay naganap na ang pamamaril.

Ayon kay Torre, nalaman niya mula sa MPD na wala silang operasyon tulad ng naganap na insidente.

Samantala, hustisya naman ang panawagan ng pamilya ng biktima at sinabi ng mga ito na hindi man lang binigyan ng tsansa ng pulis na makapagpaliwanag at basta na lamang namaril.

“Wala pong kalaban-laban ‘yung asawa ko. Pinagbabaril siya ng pulis. Hindi po siya binigyan ng pagkakataon para magpaliwanag. Pinagbintangan lang po siya na carnapper,” saad ng asawa ng napaslang na traffic enforcer.

“Grabe, basta na lang daw pinaputukan ‘yung anak ko. Walang kaabog-abog. ‘Di ba pulis sila? Dapat manmanan. Pinadapa nila, pinataas yung dalawang kamay. Ang hirap, ang sakit,” pahayag naman ng ama ng biktima.

Nagpaabot naman ng pakikidalamhati si Quezon City Mayor Joy Belmonte kasabay ng pangako na mabibigyan ng hustisya ang naturang pangyayari

“On behalf of the entire Quezon City local government, I would like to offer our sincerest and most heartfelt sympathies to the family of our slain traffic enforcer,” ayon sa alkalde.

“Before he was killed, He was known to be a helpful, friendly, and dutiful member of the Quezon City Department of Public Order and Safety (DPOS). Indeed, his last minutes were spent assisting someone in need, specifically a delivery rider whose motorcycle had broken down,” dagdag pa ni Belmonte.

Mananatili naman ang suspek na pulis-Maynila sa kustodiya ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng QCPD sa Kamp Karingal.