
Pulis dedo matapos sagipin 2 bata sa ilog
PATAY ang isang bakasyunistang pulis umano matapos na malunod nang sagipin nito ang dalawang batang nalulunod sa ilog sa Sitio Caugingan, Masi Pamplona, Cagayan.
Ayon sa imbestigasyon, ang 32-anyos na biktimang pulis na may ranggong Police Corporal ay residente ng Barangay Capalilliam, Pamplona, Cagayan at nakatalaga sa Makati City Police Station.
Batay sa ulat ng Cagayan Police Provincial Office (CPPO), naka-official leave ang biktima nang maganap ang insidente.
Nagtungo umano sa ilog ang biktima kasama ang kanyang pamilya para mag-picnic nang makita nito ang dalawang batang nalulunod.
Agad na binitawan ng biktima ang kanyang anak at lumusong sa tubig upang sagipin ang dalawang bata.
Sa ulat, nasagip nito ang isa habang naitulak naman niya ang isa pa sa mababaw na parte ng ilog.
Gayunman, hindi na nagawa pa ng biktima na makabalik sa pampang dahil sa lakas ng agos at lalim ng tubig.
Dinala pa ang biktima sa ospital subalit idineklara itong dead on arrival.