Default Thumbnail

Pulis binunutan ng baril UST students, sibak

December 21, 2022 Jonjon Reyes 478 views

MASUSING imbestigasyon ang isinasagawa ng Manila Police District sa umano’y inasal ng isa sa tauhan ng MPD- Sampaloc Police Station sa mga estudyante ng University of Sto Tomas, Linggo ng gabi.

Bukod sa pansamantalng sinuspinde, dinisarmahan na ng service firearms si Police Corporal Marvin Castro.

Base sa ulat ni MPD-Director Police Brigadier General Andre Perez Dizon, papauwi na sa kani-kanilang bahay ang mga estudyante na miyembro ng Junior Judo Team ng UST mula sa isang selebrasyon ng kanilang pagkapanalo sa kompetisyon nang mangyari ang insidente.

Tiyempo namang nasa lugar si Castro para rumesponde sa mga ingay na kanilang nadatnan habang nagpapatrulya sa area ng Sampaloc.

Pinagsabihan umano ni Castro ang mga estudyante ngunit nang makalayo ng ilang metro ay muli silang nag-ingay kaya muli niya itong pinuntahan at sinita.

“Parang nag-aakma yata na sugurin siya, hinawakan na niya ‘yung baril dahil syempre nadala na rin siguro sa safety niya ‘yung tao,” ayon kay General Dizon.

Dagdag pa ng heneral na hindi naman daw umano itinutok ni Castro ang baril sa mga estudyante

Humingi naman ng paumanhin si Castro sa mga magulang ng mga estudyante ngunit galit ang kanilang naging tugon dahil sa takot at tensyon na idinulot umano nito sa kanila.

Giit naman ng isang estudyante , walang dahilan bumunot ng baril ang pulis, maglabas ng posas o pasakayin sila sa police car.

Dahil dito, isinailalim na sa floating status si Castro.

AUTHOR PROFILE