Publiko, “bumilib” na naman kay ‘Gen. Guillor’

June 15, 2021 Paul M. Gutierrez 158 views

PaulMULING “humanga” ang mga Pinoy sa ipinakitang kakaibang pamumuno ni Chief PNP Guillermo ‘Guillor’ Eleazar, matapos niyang “sibakin” sa puwesto ang hepe ng CIDG-EPD noong Hunyo 12, mismong araw ng ating Kalayaan.

“Winalis” sa puwesto—at natitiyak natin na “mantsa” rin sa kanyang ‘service record’—si Lt. Colonel Arnold Moleta, matapos “isangkot” ang isang inosenteng babae sa nabulgar na ‘vaccine for sale’ scam kung saan “ibinebenta” ang bakuna laban sa COVID-19.

“Ang mali ay mali at hindi dapat pinaninindigan. Sa halip, ito ay itinatama upang hindi na maulit, at upang kapulutan din ng aral para maging maayos ang pagsisilbi sa taumbayan,” diin pa ni Gen. Guillor sa kanyang pahayag sa publiko.

At bakit hindi “bibilib” ang mga Pinoy at mga miron sa ginawa nitong ating kaibigan?

Dangan kasi, “ngayon” lang ulit nangyari na sa halip kunsintihin at pagtakpan na lang ang kanyang “kabaro:—na “nakasanayan” na ring gawin ng karamihan sa mga opisyales ng PNP, hindi ito ginawa ni Gen. Guillor dahil sabi nga niya, “ang mali ay mali,” period!

Higit dalawang dekada na rin naman tayong naging ‘police reporter’ at sa totoo lang mga kabayan, “bihira” tayong makakita ng isang opisyal na HINDI “kunsintidor” sa mga abusado at malatuba niyang mga tauhan, peks man!

Ang resulta siyempre, ang pagdami ng mga pulis na sangkot sa mga katiwalian at mga kabalbalan—illegal gambling, illegal drugs, extortion, kidnapping, protection racket, etc., etc.

Aber, kung itinuturing na “pinakamalaking armadong sindikato” sa ngayon ang CPP-NPA, eh, sa pananaw ng ibang miron, pangalawa na rito ang PNP, araguy!

Para sa mga katulad nitong si Lt. Colonel Moleta, ‘asan kaya ito, kasamang John Sinocruz, nang maupong Chief PNP si Gen. Guillor noon lang Mayo 7, 2021?

Naitanong natin ito dahil kasama naman sa sinabi ni Gen. Guillor na “hindi” niya kukunsitihin ang ano mang mali at sablay ng sino mang pulis, hindi ba?

Marahil ay nasa “lamyerda” itong si Moleta kaya hindi niya narinig ang sinabi ng bago nilang “bosing?”

O baka naman… katulad ng karamihan, iniiisip nilang katulad lang din ng mga naging kapalit niya sa puwesto, “pulos wento, wala namang wenta” ang ‘assumption speech’ ni Gen. Guillor?

O baka rin dahil may “malaking pakinabang” sa kanya ang kanyang mga “boss,” iniisip ng mga katulad niya na “sasambutin” o “aarburin” siya sakaling “sumalto?”

Ayy, sus, ginoo, mga bosing, kung ganyan ang palaging “naglalaro” sa isip ninyo, natitiyak natin na marami pa ang “mamalasin” sa hanay ninyo, hehehe!

Dapat din kasi ninyong seryosohin ang kanyang sinabi sa kanyang assumption speech na “wala” na siyang dapat pang ambisyunin dahil “nakamit” na niya ang “pangarap” ng bawat pulis—ang matawag na ‘Chief PNP’ at ang tangi na lang niyang “gusto” ay ang maglingkod ng tapat sa publiko.

Translation? “Umayos” kayo, hane? At tulungan natin si Gen. Guillor na muling maibalik ang pagtitiwala ng mga Pinoy sa ating mga pulis, period!

AUTHOR PROFILE