PTFoMS: Katarungan para sa Maguindanao Massacre victims
PATULOY na isusulong ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) ang katarungan para sa mga biktima ng Maguindanao massacre.
Ginawa ng PTFoMS ang pahayag sa paggunita sa ika-15 anibersaryo na maituturing na pinakamatinding pag atake laban sa mga mamamahayag sa bansa.
Ayon kay PTFoMS Executive Director Jose Torres, ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos ay nananatiling nakatuon sa pagsuporta sa media sa pagtatanggol ng katotohanan at pagtugon sa mga pangangailangan ng makabagong pamamahayag.
“We remember the victims of the Maguindanao Massacre. Their sacrifice will not be forgotten. We will continue to work tirelessly to ensure that justice prevails, and that the Philippines remains a safe place for journalists to work,” pahayag ni Torres.
Samantala, nangako din ang task force na palakasin ang mga hakbang para maiwasan at tugunan ang pagpatay at karahasan sa mga miyembro ng media,magkaroon ng koordinasyon sa mga ahensiya ng gobyerno at media organisasyon lalo na sa local level.
Nais din ni Torres na itaguyod ang kultura ng kaligtasan at pagrespeto sa press freedom at tiyakin na maibibigay ang hustisya sa lahat ng biktima ng pag-atake labam sa media workers.
Matatandaan na 58 katao kabilang ang 32 mamamahayag ang napatay sa Ampatuan, Maguindanao noong Nobyembre 23, 2009 na kasama ng mga kamag anak at supporters ni Esmael “Toto” Mangudadatu na maghahain sana para dito ng certificate of candidacy na tatakbong gobernador.