Duterte Pangulong Rodrigo Duterte

PRRD nanguna sa trust ratings

October 27, 2021 People's Tonight 348 views

Nilampaso 5 pinakamataas na opisyal ng bansa

MULING nanguna si Pangulong Rodrigo “Rody” Duterte sa trust rating ng limang pinakamataas na opisyal ng bansa sa pinakabagong survey ng Publicus Asia Inc. matapos makakuha ng 52.9% habang nasa ikalimang posisyon si Speaker Lord Allan Velasco na mayroon lamang 12.1%.

Namayagpag rin si Pangulong Duterte sa nakuha nitong 59.8% approval rating na sinundan ng 33.9% ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III habang 31.3% ang nakuha ni Vice President Leni Robredo, 24.2% ang nairehistro ni Chief Justice Alexander Gesmundo at nasa ikalimang posisyon si Velasco sa kanyang 23.9%.

Sa parehong October 11-18 non-commissioned survey ng Publicus Asia Inc. na isinagawa sa buong bansa sa hanay ng 1,500 respondents, pumangalawa naman si Robredo sa trust rating na 22.1% na sinundan ng 19.8% ni Sotto habang 14.6% si Gesmundo.

Patuloy na humahataw ang magandang performance ratings ni Pangulong Duterte kahit pababa na ito sa kapangyarihan at tiningnang isa sa pinakamalakas na kandidato sa pagka-bise presidente bago matapos ang paghahain ng certificates of candidacy (COC) noong Oktubre 8.

Sa ngayon, hindi naman tatakbo ang Pangulo sa anomang posisyon habang hinihintay ang deadline sa substitution ng mga kandidato sa Nobyembre 15.

Sa July 13-19, 2021 survey naman ng Publicus Asia Inc., si Pangulong Duterte pa rin ang nanguna sa nakuha nitong 57.93% approval rating na sinundan ng 38.13% ni Sotto, 32.27% ni Robredo, 26% ni Gesmundo, at 24.37% ni Velasco.

Sa trust rating naman, si Pangulong Duterte pa rin ang namayagpag sa kanyang 50.4%, 23.53% ni Robredo, 22.8% ni Sotto, 14.93% ni Gesmundo at 13.93% ni Velasco.

Si Pangulong Duterte rin ang nanguna sa March 20 to 29, 2021 survey ng Publicus Asia Inc. na nakakuha ng 64.87% approval rating na sinundann ng 40% ni Sotto, 29.13% ni Robredo, 28.47% ni dating Chief Justice Diosdado Peralta, at 25.4% ni Velasco.

Nanguna rin si Duterte sa nakuha nitong 55.13% trust rating kumpara sa 24.6% ni Sotto, 18.67% ni Robredo, 15% ni Peralta, at 14.53% ni Velasco.

Milya-milya rin ang layo ni Pangulong Duterte sa December 3 to 9, 2020 survey ng Publicus Asia Inc. na nakakuha ng 69.9% approval rating na sinundan ng 46.9% ni Sotto, 34.7% ni Robredo, 30.7% ni Peralta, at 29.7% ni Velasco.

Hindi rin natinag si Duterte sa nakuha nitong 62.3% trust rating kumpara sa 30% ni Sotto, 23.3% ni Robredo, 18.5% ni Peralta, at 18.1% ni Velasco.

AUTHOR PROFILE